MAHIGPIT na ipagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng cellphone ng mga pulis habang naka-duty ang mga ito.
Ito ang unang unang direktiba ng bagong hepe ng Pambansang Pulisya na si PGen. Rommel Francisco Marbil matapos nitong pangunahan ang kauna-unahang command conference nitong Martes, Abril 2, 2024.
Paliwanag ni Gen. Marbil, nais niyang makita ang presensya ng mga pulis partikular na sa mga komunidad sa buong bansa.
Partikular na tinutukoy rito na maramdaman at makita ang mga pulis sa gitna ng mga pang araw-araw na ginagawa ng publiko.
Giit pa niya, nagawa na niya ito noong siya pa ang direktor ng Police Regional Office 8 o Eastern Visayas kaya’t nais niya itong gawin ngayong siya na ang PNP Chief.
Giit ni Marbil, ito na ang una at huling babala niya sa mga pulis at sinabing walang kapatawaran ang sinumang mahuling gumagamit ng cellphone sa oras ng duty.
“This is my first and last warning, no cellphone during duties. We need patrol, pagka nahuli ka namin nag cellphone, there will be no forgiveness. Very strict kami diyan. Gusto namin duty, duty, kapag patrol, patrol. Andito ‘yung mga commanders natin. I need beat patrols, gusto ko maramdaman ng tao ‘yung mga pulis natin sa baba,” saad ni PGen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
Kasabay rito ay palalakasin ng PNP ang paggamit ng radyo para sa komunikasyon ng mga naka-beat na pulis sa lansangan.
Habang sa mga emergency lamang maaaring gamitin ang cellphone depende sa sitwasyon.
“But right now sabi ng DIDM may mga radios naman kami eh. So, there is no excuse for our policemen to use their cell phones,” ayon pa kay Marbil.