HINDI gusto ng mga Pilipino ang pagbabago ng Konstitusyon. Ito ay kung pagbabasehan ang resulta ng survey ng OCTA Research.
Huli sa listahan ang Charter change sa mga isyung pinatutugunan ng mga Pilipino sa pamahalaan. Eh, naiintindihan ba kaya ng ating mga kababayan ang isyu?
“Hindi po, hindi po. Wala po, hindi po pamilyar,” pahayag ni Gab Cornel, Marine Transportation Student.
‘Yan malinaw na sagot ng college student na si Gab sa isyu ngayon ng Charter change.
Ang delivery rider na si Mark, napatunganga na lang nang tanungin sa isyu ng Cha-cha.
Nabuhay na naman ang isyu ng Cha-cha dahil sa kasalukuyang people’s initiative na laman ng mga balita entrada pa lang ng 2024.
Ito ang pang huling opsiyon para amyendahan ang 1987 Constitution.
Isang signature campaign ang people’s initiative o pangangalap ng lagda kung pabor ba ang taumbayan na baguhin ang Saligang Batas.
Layunin ng PI na luwagan ang economic restrictions ng Konstitusyon para mas maraming dayuhang investor ang makapasok sa bansa.
“Hindi siya easy process kasi una, ang proseso kasi sa pagbago sa ating Saligang Batas, unang proseso is proposal, magpropose ka pa. Ang proposal, ‘yun ang sinasabi na 3% of every legislative district and 12% of the total registered voters. ‘Yun ang sinasabing proposal, after proposal kung makuha na nila ‘yung proposal, may certification pang i-issue ang COMELEC na enough ‘yung nakuha na boto for the proposal. 12% of the total and 3% doon sa every legislative district. Pag-nakumpleto ‘yan, magplebesito pa. Buong Pilipinas mag-eleksyon. Kailangan makuha ang majority of the total votes cast,” pahayag ni Atty. Mark Tolentino, Law Expert.
Ngunit base sa ating mga nakapanayam, walang alam ang karamihan sa ating mga kababayan sa isyu.
Ito nga ba talaga ang number 1 na problema ng bayan na dapat tugunan ng pamahalaan?
Batay sa Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research, na isinagawa noong Disyembre 10-14, 2023, pangatlo sa pinaka-hindi prayoridad ng mga Pinoy ang Charter change.
1% lamang sa mga sinurvey ang nagsasabing kailangan na ito.
Ikalawa sa least priority ay ang pagbaba ng singil sa kuryente sa 0.1%.
At panghuli ang problema sa ilegal na droga sa 0.02%.
Numero uno sa survey ang pag-kontrol sa mabilis na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo o inflation sa 73%.
Pangalawa sa pina-reresolba ng mga sumali sa survey ang access sa murang pagkain sa 45%.
Pangatlo sa urgent na pinatutugunan sa gobyerno ang paglikha ng mas maraming trabaho na may 36% score sa survey.
Pang-apat ay ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa na umani ng 34% survey score.
Top 5 naman ang pagtugon ng gobyerno sa kahirapan na pinatututukan ng 32% ng mga sumali sa survey.
Kasama rin sa wishlist ang pagbaba sa presyo ng buwis, proteksiyon sa mga OFW, environmental protection at iba pa.
“Hindi siya kasama sa mga priority ng ating mga kababayan. Malayo sa sikmura ito MJ. Ang pinaka-malapit sa sikmura ng ating mga kababayan is ‘yung presyo ng bilihin, trabaho at saka sahod,” ayon kay Dr. Michael Batu, Filipino Economist sa Canada.