SINABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na malabong magdala ang Severe Tropical Storm Chedeng ng matinding pag-ulan sa bansa sa susunod na tatlo hanggang limang araw.
Sa pinaka huling weather advisory ng PAGASA, huling namataan si Chedeng 1,090 kilometro silangan ng Central Luzon na may kasamang maximum sustained winds na 95 kph.
Inaasahan namang magkakaroon ng malakas na hangin sa Visayas, Romblon, Occidental Mindoro at hilagang bahagi ng Palawan, Kalayaan, Calamian, at Cuyo Island sa Surigao del Norte, Dinagat Islands, at Camiguin dahil sa mas pinalakas na habagat.
Inaasahan naman ang parehong kondisyon sa Sabado sa Visayas, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Camiguin at Dinagat Islands.
Sinabi rin ng PAGASA na maaaring maging ganap na bagyo si Chedeng sa Huwebes ng gabi o Biyernes.