DINIKTAHAN ng Pilipinas ang China na kaagad na tanggalin ang mga fishing vessels sa Kalayaan Island Group.
Iginiit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin na ang Julian Felipe Reef kung saan nakaangkla ang 200 Chinese ships, ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
“We reiterate that the continued deployment, lingering presence and activities of Chinese vessels in Philippine maritime zones blatantly infringe upon Philippine sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction,” ayon sa kalihim.
Noong Linggo ay nag-apela ang DFA ng diplomatic protest sa laban sa China dahil sa “unauthorized and lingering” na presensya ng Chinese ships sa loob at paligid ng Julian Felipe Reef.
Unang inireport ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 220 na Chinese fishing vessels na pinaniniwalaang pinangasiwaan ng Chinese maritime militia personnel kung saan nakaangkla ang mga ito sa Julian Felipe Reef noong Marso 7.
Kinumpirma nitong Lunes, Marso 22, na 183 Chinese vessels ang makikita sa parehong lugar.
Matatandaan na itinanggi ng Chinese Embassy sa Pilipinas na may presensya ng Chinese maritime militia sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Sa pahayag ng embahada, iginiit nito na ang mga namataan ay mga Chinese fishing vessels lamang na sumilong sa lugar dahil sa maalong karagatan.
(BASAHIN: Presensya ng Chinese maritime militia sa Julian Felipe Reef, itinanggi ng China)
Ayon sa embahada, ang Niu’e Jiao o ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng Nansha Qundao ng China.
Samantala, para naman kay UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Jay Batongbacal hindi nakikisilong ang mahigit dalawang daang Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Ani Batongbacal, walang isla sa Julian Felipe Reef at walang bato sa lugar kung kaya’t hindi nito matukoy kung ano ang posibleng rason ng Chinese vessels dito.
Binigyang-diin ni Batongbacal, na malaki ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea dahil naaayon ito sa batas.