China, hinimok ang Pilipinas na sumunod sa “one-China principle” tungkol sa isyu ng Taiwan

China, hinimok ang Pilipinas na sumunod sa “one-China principle” tungkol sa isyu ng Taiwan

BINIGYANG-DIIN ng Chinese Embassy sa Pilipinas na ang Taiwan ay isang probinsya ng Tsina at hindi maihihiwalay na bahagi ng kanilang pambansang teritoryo.

Iginiit ng embahada na ang isyu ng Taiwan ay kabilang sa mga pangunahing interes ng Tsina—isang usapin na hindi nila kailanman isinasantabi sa larangan ng diplomasya.

Ayon sa embahada, ang “one-China principle” ay kinikilala ng pandaigdigang komunidad bilang isang malawakang consensus. Ito rin anila ang pangunahing batayan ng relasyong pampulitika sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Ang naturang pahayag ay reaksyon ng embahada sa naging panayam kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, kaugnay ng posibilidad ng pakikipag-ugnayan ng bansa sa Taiwan sa usaping militar.

Muling iginiit ng Chinese Embassy ang kanilang pagtutol sa anumang opisyal na ugnayan sa pagitan ng Taiwan at ng alinmang bansang may diplomatiko nang relasyon sa Tsina.

Hinimok ng embahada ang Pilipinas na sundin ang “one-China principle” at itigil ang anumang uri ng opisyal na interaksyon sa mga awtoridad ng Taiwan.

“We urge the Philippine sideto abide by the one-China principle, stop any form of official interaction with the Taiwan authorities, and stop sending wrong signals to “Taiwan independence” separatist forces,” Spokesperson of the Chinese Embassy in Manila said.

Kasabay nito, nagbabala ang embahada laban sa anumang kilos na maaaring magdulot ng tensyon kaugnay ng Taiwan.

“We call on relevant officials of the Philippines to refrain from making provocations on the Taiwan question. Those who play with fire will perish by it,”Spokesperson of the Chinese Embassy in Manila added.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble