MAY mga ulat na wala umanong agarang plano ang Estados Unidos na alisin ang isang Mid-Range Capability missile system na naka-deploy sa Pilipinas, sa kabila ng mga kahilingan ng China.
Ito ay ang Typhon system na maaaring lagyan ng mga cruise missile na may kakayahang tumama sa mga Chinese target area.
Dinala ito para sa joint exercises sa pagitan ng US at Pilipinas ngayong taon ngunit nananatili pa ring nasa Laoag International Airport sa Laoag City, Ilocos Norte.
Nagbigay naman ng tugon ang panig ng China patungkol dito.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lin Jian, labis na nag-aalala ang Tsina sa mga kaugnay na ulat.
“China is seriously concerned about the relevant reports,” pahayag ni Lin Jian, Spokesman of China’s Ministry of Foreign Affairs.
Malinaw aniya na ipinahayag ng Tsina ang makailang beses na pagtutol nito kaugnay ng pag-deploy ng US ng Mid-Range missile system sa Pilipinas.
Kaya naman hinimok ng Chinese official ang US na pahalagahan ang apela ng mga bansa sa rehiyon at iwasto ang maling gawain sa lalong madaling panahon.
“We urge relevant country to heed the call of countries in the region, correct the wrongdoing as soon as possible,” dagdag ni Lin Jian.
Umapela rin ang Tsina sa Estados Unidos na itigil ang pag-uudyok ng komprontasyong militar, agad na bawiin ang missile system gaya ng ipinangako, at iwasan ang pagpasok sa mas maling landas.
“…stop inciting military confrontation, quickly pull out the missile system as publicly pledged, and avoid going further down the wrong path,” aniya.
Saad pa ni Lin Jian, ang pag-deploy na ito ay isang hakbang upang baliktarin ang takbo ng kasaysayan.
Malubhang banta rin aniya ito sa seguridad ng mga bansa sa rehiyon.
Nag-uudyok din ito ng tunggaliang geopolitikal at nagdudulot ng matinding alalahanin ng mga bansa sa rehiyon.