Chinese Embassy, sinagot ang isyu na may kinalaman sa umano’y pagdagsa ng Chinese students sa Cagayan

Chinese Embassy, sinagot ang isyu na may kinalaman sa umano’y pagdagsa ng Chinese students sa Cagayan

NANINDIGAN ang Chinese Embassy na ang alegasyon ukol sa pagdagsa ng mga estudyanteng Tsino sa Cagayan ay isang malisyosong paraan ng mga Pilipinong politiko na mag-udyok ng galit sa China.

Malakas ang ugnayang pangkultura at matibay ang relasyon ng mga mamamayan ng Pilipinas at China.

Ayon sa tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Pilipinas, ang ‘cultural & people-to-people exchanges’ ay ang pinakamatagal at progresibong bahagi ng relasyon ng Tsina at Pilipinas.

Bilang resulta, sa mga nakalipas na taon, mabilis ang naging paglago ng pagpapalitan at kooperasyong pang-edukasyon ng dalawang bansa.

Ito ay sumusuporta sa isang mas malalim na pagkakaunawaan sa pagitan ng mga mamamayan nito.

Gayunpaman, ayon sa embahada, may mga indibidwal na politiko sa Pilipinas ang nagpapalaki ng mga isyung pandagat ng dalawang bansa.

Pinalalaki rin ng mga ito ang maritime differences sa ngalan ng pambansang seguridad, upang magamit sa kanilang pampulitikang agenda at pansariling interes at pahinain ang kooperasyon ng dalawang bansa.

Giit pa ng Chinese Embassy, ang walang batayang akusasyon sa educational exchanges ng Tsina at Pilipinas ay isa pang malisyosong paraan upang mag-udyok ng paghinala at pagkamuhi sa China.

Ang pahayag ng embahada ay nag-ugat sa ulat na nagsumite kamakailan ng isang resolusyon si Cagayan Rep. Joseph Lara sa Kamara kaugnay sa naturang isyu.

Binanggit dito ang umano’y nakababahalang pagtaas ng bilang ng mga mamamayang Tsino na pumupunta sa lalawigan ng Cagayan bilang mga mag-aaral na naka-enrol sa iba’t ibang Higher Education Institutions (HEI) mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyang taon.

Tinawag pa ng mambabatas na ‘serious concern’ sa pambansang seguridad ng bansa ang pagdagsa ng mga estudyanteng Tsino sa gitna ng strategic geographical location ng Cagayan at maritime dispute partikular sa West Philippine Sea (WPS).

Cagayan Gov. Mamba, walang nakikitang banta sa seguridad sa bansa mula sa Chinese students

Samantala, inihayag ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na wala siyang nakikitang banta mula sa Chinese students.

Aniya, ang intelligence community ang makapagsasabi kung banta nga ba ang mga ito sa seguridad sa bansa.

Sa katunayan, sa mga pulong kasama ang intelligence community, ani Mamba, walang natalakay na banta mula sa mga estudyanteng Tsino.

Una nang inilahad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tinitingnan nila ngayon ang “national security implications” ng napaulat na pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan.

“Any report that is given sa Armed Forces, we take it seriously. So, mayroon tayo diyan how they got in the Philippines in the first place, iyong legality noong pagpasok nila rito sa bansa natin. Do they have the necessary papers? Ang sabi nga, estudyante ito, so kung mayroon ba silang student visas that are required?” ani Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Saad ni Padilla, nakikipag-ugnayan na rin ang AFP sa Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA) at Commission on Higher Education (CHED) patungkol sa isyu.

Nauna nang tiniyak ng opisina ni Gov. Mamba na dumaan sa tamang proseso ang mga dayuhang estudyante sa Cagayan.

Binigyang diin din ng gobernador na walang diploma mill sa Cagayan, bagkus, quality education ang pinaglalaban nila.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble