MATAGUMPAY na napaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese navy warship sa Marie Louise Bank na matatagpuan 147 nautical miles mula sa baybaying dagat ng El Nido, Palawan noong Hulyo 13, 2021.
Ayon sa PCG, mahinahong napaalis ang isang Chinese navy war ship sa pamamagitan ng radio challenge sa BRP Cabra habang mino-monitor ang galaw ng nasabing barko gamit ang radar.
Nang walang matanggap na verbal response, ginamit ng BRP Cabra ang Long Range Acoustic Device (LRAD) para ipahatid ang verbal challenge sa Chinese navy warship.
Sinabi ng PCG na ang pakikipag-ugnayan nila ay batay sa Rules on the Use of Force (RUF) o PCG manual on Rules on the Use of Force sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ito ay upang matiyak na sundin ang pamamaraan at mapayapang diskarte sa pagpapanatili ng soberanya at proteksyon sa katubigan ng bansang Pilipinas at EEZ.
Matapos nito, sinabi ng PCG na nagsimulang gumalaw ang barko palabas ng Marie Louise Bank at sinundan ng BRP Cabra para masigurong aalis ito sa EEZ ng bansa.
Ang pagpapatrolya ng BRP Cabra sa Marie Louise bank at Kalayaan Island group (KIG) sa Palawan ay bahagi ng misyon nito sa ilalim ng task force pagsasanay.
Matatandaang una nang pinaalis ng BRP Cabra ang limang ‘Chinese ship’ at dalawang ‘Vietnamese vessel’ na na-monitor sa Marie Louise Bank noong Hunyo 30, 2021.