NAKIPAGKITA si Chinese President Xi Jinping sa mga dayuhang lider na dumalo sa 19th Asian Games noong Biyernes at Sabado at pinangunahan ang opening ceremony sa Hangzhou.
Kabilang sa mga dayuhang lider na dumalo sa opening ceremony ay sina Crown Prince Sheikh Meshal Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah ng Kuwait, President Bashar Al-Assad ng Syria, Prime Minister Xanana Gusmao ng Timor-Leste na dumating sa Hangzhou noong Huwebes.
Si King Norodom Sihamoni ng Cambodia at Speaker Dewan Rakyat ng Malaysia na si Johari Bin Abdul ay dumating noong Biyernes.
Si Prime Minister Han Duck-Soo naman ng Republic of Korea at Prime Minister Pushpa Kamal Dahal “Prachanda” ng Nepal ay parehong dumating noong Sabado.
Nakipagpulong noong Biyernes si Xi kay President Bashar Al-Assad ng Syria, Crown Prince Sheikh Meshal Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah ng Kuwait, Raja Randhir Singh, acting president ng Olympic Council of Asia, at International Olympic Committee (IOC) President Thomas Bach.
Nag-host rin ang pangulo ng China at asawa nito si Peng Liyuan noong Sabado ng isang welcome banquet sa Xizi Hotel para sa mga guest na dumalo sa opening ceremony ng 19th Asian Games sa Hangzhou City.
“I wish you all an unforgettable experience in the picturesque Zhejiang and a great memory by the flames of the Asian Games,” pahayag ni Pres. Xi Jinping.
Nakipagpulong din si Pres. Xi kay King Norodom Sihamoni ng Cambodia, Prime Minister Xanana Gusmao ng Timor-Leste, Prime Minister Pushpa Kamal Dahal “Prachanda” ng Nepal, at Prime Minister Han Duck-Soo ng Republic of Korea sa kaparehong araw.
Xi, pinangunahan ang pagdedeklara ng pagbubukas ng 19th Asian Games
Noong Sabado ng gabi naman ay pinangunahan ni Xi ang pagdedeklara sa pagbubukas ng 19th Asian Games sa Hangzhou Olympic Sports Center Stadium.
“Now I declare the 19th Asian Games in Hangzhou Open!” ani Xi.
Ang mga delegado mula sa mga dumalong bansa at rehiyon ay pumasok sa stadium sa alphabetical na pagkakasunod-sunod base sa kanilang Olympic names.
Ang Asian Games na pinangunahan ng Hangzhou at lima pang siyudad sa Zhejiang Province ay tatagal hanggang Oktubre 8.
Ang Asian Games ngayong taon ang pinakamalaking edisyon nito kung saan umabot sa 12,500 atleta ang nakilahok mula sa 45 bansa at rehiyon na maglalaban-laban naman sa 40 laro, 61 disciplines at 481 events.