NAKIPAGKITA si Chinese Vice Premier He Lifeng kay U.S. Commerce Secretary Gina Raimondo na bumisita sa Beijing noong Martes.
Ang dalawang panig ay nagsagawa ng pagpupulong ukol sa pagpapatupad ng importanteng consensus na napagkasunduan sa pagpupulong sa Bali ng dalawang pinuno ng bansa nito maging ang pang-ekonomiya at pangkalakalan na isyu na kinakaharap nito.
Ayon sa panig ng China, nababahala ito sa mga hakbang ng Estados Unidos gaya ng Section 301 Tariffs at export controls na ipinatupad laban sa China maging ang restriksiyon sa investment.
Ang dalawang panig ay nagkasundo naman na panatilihin ang komunikasyon sa isa’t isa at suportahan ang negosyo ng dalawang bansa para sa pangmatagalang kooperasyon.
Pagbisita ng U.S. officials sa China, isang patunay na hindi pagtatraydor ang pagpunta sa Beijing—Pastor ACQ
Ayon naman kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ, isa itong halimbawa na ang pagbisita sa China ay hindi nangangahulugang ikaw ay traydor.
“Iyon nga ang ating argumento noong nakaraang Sunday na itong mga masyadong maka-Amerikano na kung bibisita ka lang ng ano eh hindi magandang iyong sasabihing traydor, iyon ang parang hindi maganda sa mga sinasabi na kapag ikaw ay bumisita sa China sa panahong ito dahil sa Ayungin Shoal ikaw ay traydor o hindi mo kinondena ikaw ay traydor so nilinaw natin iyon,” saad ni Pastor Apollo C. Quiboloy, The Kingdom of Jesus Christ.
Dagdag pa ni Pastor Apollo, nililigawan ngayon ng Amerika ang China sapagkat unti-unti na ngang nire-release ng China ang pagkakautang ng Estados Unidos at posibleng magdulot ng pagkalugmok ng ekonomiya ng Amerika kung mailalabas ito lahat.
“Ito nga oh sunud-sunod ang pagbisita ng mga opisyal ng Amerika sa China upang makipagkasundo sa kanilang mga trade para daw mapabuti ang China at Amerika para maganda ang kanilang usapan kasi nire-release na ng China ang pagkakautang ng Amerika, ‘yung binayaran ng China ang utang ng Amerika 800 bilyon ata yun, ngayon dahan-dahang nire-release. Pag nirelease lahat iyon ay mahihirapan ang ekonomiya ng Amerika kaya nililigawan nila ngayon ang China.”
“’Wag kayong masyadong parang kung sa Papa pa kung sa Katoliko pa they are more popish than the Pope. They are more Americans than the Americans kung magtanggol sila,” dagdag ng butihing Pastor.
Nanawagan si Pastor Apollo, na huwag lamang tumingin sa isang panig at huwag maging bias sa isang bansa kundi lawakan pa ang pag-iisip dahil walang lohika ang pahayag na traydor ang isang tao kung bibisita ka ng China.
“Eh bias ang hindi ko gusto roon ay bias na kapag bumisita ka sa lugar na iyon, ikaw ay traydor na. That is a sweeping statement na hindi magandang pakinggan sapagkat may mga hindi magandang argumento roon at walang lohika. Magdedebate tayo at bigyan mo ng panahon ang iba na makapagsalita sa kanyang opinyon. Tulad ngayon, itong mga opisyal na ito pabalik-balik sa China, sila pa nga ang nanliligaw sa China ngayon, ano iyon traydor ba sila sa Amerika? Ganun iyon,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Ito ay kasunod ng pagwawakas ni Pastor Apollo sa mga spekulasyon kung siya ba ay pro-China o pro-U.S. kung saan malinaw ang naging pahayag nito na ang kaniyang katapatan ay nasa Pilipinas lamang.
Matatandaan na bumisita ang butihing Pastor sa Beijing kamakailan para ayusin ang mga kinakailangan para sa konstruksiyon sa pinakamalaking indoor cathedral sa buong mundo, ang King Dome.