CHR, nagmimistulang tagapagsalita ng CTGs—dating kadre

CHR, nagmimistulang tagapagsalita ng CTGs—dating kadre

TILA nagiging tagapagsalita ng mga komunistang teroristang grupong Communist Party of the Philippines- New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang Commission on Human Rights ayon sa isang dating kadre.

Sa programang Laban Kasama ang Bayan nitong Mayo 16, ibinahagi ni Jerwin Castigador, dating regional cadre operative  sa Southern Tagalog, na ginagamit ng mga komunistang teroristang grupo ang Komisyon upang sirain ang gobyerno.

“Nakikipaglaro ang CPP-NPA-NDF sa mga instrumentalities ng ating government; alliance with instrumentalities, pero kalaban din nila yan. Ibig sabihin kasama sa ginagawa nila na paggamit sa CHR, unti-unting nabubulok sa mata ng mamamayan yung Commission on Human Rights,” ayon kay Jerwin Castigador, Former CPP-NPA-NDF Regional Cadre Operative.

Ito’y kasunod ng pahayag na inilabas ng Komisyon kaugnay sa umano’y red-tagging sa mga estudyante, guro at iba pang civil organization.

Panlilinlang at pagsisinungaling, isang sining ng CPP-NPA-NDF—dating kadre

Paliwanag naman ng dating kadre, isang panlilinlang ang ginagawa ng CPP kung saan layunin nitong pabagsakin ang gobyerno.

“Yung deception kasi is an art, sining yan. Tulad ng digmaan. Ang digmaan ay isang sining. At ang Communist Party of the Philippines ay gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan, iba’t ibang porma ng sining para pabagsakin ang gobyerno,” dagdag ni Castigador.

Paggamit ng legal organizations, bahagi ng panlilinlang ng CPP-NPA—dating kadre

Pagbabahagi pa ni Castigador, mahalaga ang mga prenteng organisasyon sa CPP-NPA-NDF.

“Yung paggamit ng front organizations o legal organizations is part of the deception kasi, alangan naman pag pumasok ka sa school sasabihin mong Communist Party of the Philippines ka. Sinong mare-recruit mo noon?” ayon pa kay Castigador.

Inihalimbawa rin ng dating kadre ang ginagawang pagsakay ng mga prenteng organisasyon ng CPP sa mga isyu sa sektor ng kabataan tulad ng mataas na matrikula, academic freedom at iba pa.

“Ang objective mo doon ay hindi yung, hindi paglaban ng karapatan ng mga estudyante. Ang binibilang sa teritoryo noon, ilan ang napa-full time mo? Ilan ang napaakyat mo?” aniya.

Matatandaang ilang kabataan na ang nasawi nang maging myembro ang mga ito ng armadong pakikibaka ng NPA. At sila ay una nang naging miyembro ng mga lehitimong organisasyon tulad ng Gabriela Youth, Anakbayan, League of the Filipino Students, Alay ng Sining, at marami pang iba.

Patuloy naman ang panawagan ng pamahalaan sa mamamayang Pilipino na magkaisa upang tapusin na ang karahasan ng mga komunistang teroristang grupo sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter