City Garden Grand Hotel, itinanggi ang isyu ng quarantine violation

ITINANGGI ng City Garden Grand Hotel sa Makati kung saan namatay ang flight attendant na si Christine Dacera na nagbigay ito ng leisure accommodation sa dalaga at sa mga kaibigan nito.

Matatandaan na matapos and insidente ng pagkamatay ni Dacera ay kinuwestyon ng Department of Tourism ang hotel na nagsisilbing quarantine facility kung bakit pinayagan nitong makapag-book si Dacera ng mga kwarto.

Sa isang 4-page reply ng City Garden Grand Hotel sa show-cause order ng ahensiya, sinabi nito na nag-book si Dacera at kanyang mga kaibigan ng tatlong kwarto sa ilalim ng mga corporate accounts.

Dagdag ng hotel, walang malinaw na indikasyon na ang mga bisita ay magkakakilala at nagpa-reserve ng kwarto upang magsagawa ng party sa loob ng hotel.

Itinanggi din ng hotel ang mga paratang na pumayag itong mag-host ng mga social event at sinabing iisang restaurant lamang ang nakabukas sa kanilang establisimyento na may maximum na half-capacity lamang.

Sa huli ay iginiit ng hotel na sinunod at patuloy nitong susundin ang lahat ng health at safety regulations na ipinapatupad ng otoridad.

Natanggap ng DOT ang sagot ng hotel at sinabing ilalabas nito ang desisyon nito sa accreditation ng hotel at lisensya nito na mag-operate sa mga susunod na araw.

SMNI NEWS