PINATAWAN ng anim na buwang suspensiyon ng Department of Tourism (DOT) ang City Garden Grand Hotel Makati City na pinagdausan ng party ng namatay na flight attendant na si Christine Dacera at mga kaibigan nito noong Bagong Taon.
Bukod sa 6 na buwang suspensiyon sa kanilang operasyon, pinagmulta rin ng Department of Tourism (DOT) ng P10,000 ang nasabing hotel dahil sa quarantine violation.
Ayon sa DOT, nakitaan ng paglabag ang City Garden Grand Hotel dahil sa pagtanggap nito ng mga bisita sa kabila ng deklarasyon ng IATF bilang isang quarantine facility ito.
“It was found to have misrepresented itself to the public as being allowed to accommodate guests for leisure or staycation purposes despite being a quarantine facility,” ayon sa DOT.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 2020-002-C ng DOT, nakapaloob na hindi maaaring tumanggap ng mga guest para sa leisure purposes ang mga hotel na ginagamit bilang quarantine facilities.
Paglilinaw naman ng DOT, maaari pa namang umapela ang nasabing hotel sa ilalim ng prescribed period o petsa na itatakda ng DOT.
“CGGH has the right to appeal within the period prescribed by the dot rules and regulations,” ayon pa ng DOT.
Nauna ring napag-alaman na pagkatapos ng insidente sa pagkamatay ni Christine Dacera, ay nagpatuloy pa rin sa pagtanggap ng mga guest ang nasabing hotel.
Pero agad din itong itinigil dahil na rin sa babala ng Tourism Department ng bansa.
Sa panayam ng SMNI kay DOT Undersecretary for Tourism Development and Planning Benito Bengson Jr., ang suspensiyon sa operasyon nito ay hindi tuluyang pagpapatigil o pagsasara sa hotel.
Patuloy din ang kanilang pagbabantay sa naturang hotel hanggang sa makapagsumite ito ng kaukulang dokumento.
Matatandaang, binalaan din ni NCRPO Chief Police Brigadier General Vicente Danao III ang posibleng pagsasampa ng kasong obstruction of justice dahil sa umano’y hindi pagbibigay nito ng mga pangalan ng mga nasa loob ng Room 2207 na sinasabing posibleng may kinalaman sa pagkamatay ni Chritine Dacera.
Nito lamang mga nakaraang araw ay isa-isa namang naglabasan at nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ang ilang personalidad na nasa loob ng Room 2207.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, magandang development aniya ang pagtalima ng mga respondents sa ipinadala nilang subpoena.