Clearing operations sa ilalim ng flyover sa EDSA, ipinag-utos ng MMDA

Clearing operations sa ilalim ng flyover sa EDSA, ipinag-utos ng MMDA

IPINAG-UTOS ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang clearing operations sa ilalim ng mga flyover sa kahabaan ng EDSA matapos ang isinagawang inspeksyon nito kaninang umaga.

Maagang tumungo si Abalos sa mga tulay sa kahabaan ng EDSA upang inspeksyunin ang sitwasyon ng lugar bilang bahagi ng programa ng ahensya na linisin at pagandahin ang Kalakhang Maynila.

Mga luma at sirang sasakyan, mga nakatambak na basura at mga taong naninirahan sa ilalim ng flyover ang naabutan ni Abalos.

“Lahat ng nasa ilalim ng tulay ipapa-clearing natin lahat ito. Papagandahin papalinisin yung iba at lalagyan ng mga adequate na sign na talagang no parking dito. Kung ano man ang nakalagay dito ay ipa-tow-away natin kaagad,” pahayag ni Abalos.

Si Mang Rolando na walong buwan nang naninirahan sa isang sirang sasakyan sa ilalim ng EDSA Kamuning flyover ay walang magawa kundi sumunod na lang.

Giit ni Mang Rolando na wala na kasi siyang matirhan kaya sa ilalim na lang siya ng tulay nanunuluyan.

Dagdag nito na hindi pa tiyak kung saan siya lilipat.

“Tulad po ng sabi ko sir, mahirap makitira sa may bahay ng ate. Kaya mas gusto ko pang magpakaganito. At least kahit papaano maipagmamalaki ko sa kanila nagtitinda ako ng ukay-ukay,” ayon kay Mang Rolando.

Naabutan rin ni Chairman Abalos ang ina kasama ang kanyang dalawang anak na natutulog sa may mga concrete barriers.

“Mag-usap tayo. Iiwan ko tao ko dito. Tutulungan kita magkaroon ng bahay ha. Kung sa Montalban ka ibalik kita sa Montalban. Makikipag-ugnayan ako sa awtoridad doon para magkaroon ka ng livelihood o kaya trabaho,” ani Abalos.

Giit ni Chairman Abalos na hindi lang sa mga flyover ng EDSA magsasagawa ng clearing operations, maging sa mga bagong gawang tulay tulad ng Skyway ay lilinisin din.

Aalisin ang mga nakaparadang sasakyan at maging ang mga road barriers ay ililipat sa ibang lugar.

Papagandahin ang nasabing lugar at lalagayan ng mga pocket garden o mga halaman upang umaliwalas ang lugar.

Target ng MMDA na matapos ang clearing operation sa loob ng isang linggo.

Magtatalaga rin ang ahensya ng mga tauhan upang bantayan ang lugar at matiyak na wala nang sinumang lalabag sa mga alituntunin.

“Nanawagan po ako na sama-sama tayo. Linisin natin ang Kalakhang Maynila. Mag-umpisa tayo dito sa ganitong mga lugar tapos sa ilalim ng mga tulay, mga sidewalk natin, linisin natin, lagyan natin ng mga hala-halaman ang pwedeng lagyan ng halaman. Pagandahin natin ang Kalakhang Maynila,” dagdag ni Abalos.

(BASAHIN: MMDA Chairman Abalos, pinangunahan ang clearing operations sa EDSA-Balintawak)

SMNI NEWS