Clinical trial ng gamot na Colchicine vs COVID-19, hindi isinasagawa sa Pilipinas

NILINAW ng COVID-19 vaccine CODE team na walang clinical trial na ginagawa ang Pilipinas para sa gamot na Colchicine, isang gamot na pinaniniwalaang kontra COVID-19.

Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo patuloy pa rin ang imbestigasyon sa  naturang gamot at nagpapatuloy ang clinical trials worldwide.

Nilinaw din ni Domingo na ang Colchicine ay isang uri ng gamot para sa mataas na uric acid at kilala ding gamot sa sakit na gout.

Ayon din kay Domingo dahil wala pa ang  resulta ng  test sa Colchicine ay maaring lumabag ang sinuman kapag ito ay pinatalastas laban sa COVID-19.

Ang mg a naturang pahayag ay ginawa kasabay sa pagbisita ng mga government officials o ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team.

Matatandaan una na rin sinabi ni  Health Secretary  Francisco Duque III, maaaring magkaroon ng trial ng naturang gamot na sinusunod ng bansang Canada, upang makabenepisyo mula sa unexpected, serendipitous effects ng Colchicine.

Ayon din sa Montreal Heart Institute (MHI), nagbigay ito ng clinically persuasive results sa efficacy ng Colchicine bilang pang-gamot ng COVID-19.

Lumalabas sa pag-aaral ng MHI  na nabawasan ng naturang gamot ng hanggang 21 percent ang risk ng pagkamatay para sa mga COVID-19 patients.

Samantala, nakahanda na ang COVID-19 vaccine storage facility ng Lungsod ng Maynila na matatagpuan sa 7th floor ng Sta. Ana Hospital na kasamang  binisita ng CODE team.

Matatagpuan sa cold storage facility ang mga refrigeration unit para sa mga bakuna na maaaring paglalagyan ng mga vials ng AstraZeneca, Sinovac meron ding freezer para sa Johnson&Johnson at Moderna vials.

Matatandaan kahapon ay isinagawa na ng lokal na pamahalaan ang COVID-19 mass vaccination simulation exercise sa Isabelo delos Reyes Elementary School kung saan umabot sa 859 ang sumailalim sa COVID-19 vaccines dry run.

Aminado din naman si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na malaking hamon para sa lungsod na maiwasang hindi masayang ang mga bakuna lalo’t nasa limitado lamang na panahon ang bisa nito.

Nakahanda ang Manila LGU na mabakunahan ang 1,000 katao sa bawat vaccination site o 15,000 hanggang 18,000 bawat araw.

SMNI NEWS