KAHAPON, Abril 15, 2025, nagsagawa ng mahigpit na pagbabantay ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Caticlan Jetty Port, isa sa pangunahing daungan papuntang Boracay Island.
Sa pangunguna ng Coast Guard Station Aklan, katuwang ang Coast Guard K9 Force at Sea Marshal Units, layunin ng operasyon ang pagtiyak ng seguridad at kaligtasan ng mga pasahero sa kasagsagan ng Semana Santa at SUMVAC (Summer Vacation) 2025.
Kasabay ng inaasahang pagdagsa ng libu-libong turista, mas pinaigting ang inspeksyon sa mga bagahe, terminal area, at mga sakayang pandagat upang maiwasan ang anumang banta sa kaligtasan ng publiko.
Patuloy ang paalala ng PCG sa mga biyahero na maging alerto, sumunod sa patakaran ng pantalan, at makipagtulungan sa mga otoridad para sa ligtas na paglalakbay.