MAHIGPIT na ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan o ng video ng nasagutang balota sa anumang paraan.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, bawal ang paggamit ng anumang recording o image capturing device tulad ng cellphone sa kasagsagan ng botohan.
Sa isang televised briefing, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na ang pagkuha ng litrato o video ng balota o habang bumuboto ay malinaw na paglabag sa secrecy at sanctity ng halalan.
“Kailangan po secret ang ating pagboto, pini-preserve natin ang sanctity ng ating halalan, bawal po ang paggamit ng anumang recording or image capturing device tulad ng cellphone, huwag po ninyong pipiktyuran kahit kayo ay bumoboto,” ayon kay Atty. John Rex Laudiangco Spokesperson, COMELEC.
Dagdag pang paalala ni Laudiangco, huwag ding kuhanan ng larawan ang screen ng Automated Counting Machine (ACM) dahil ito aniya’y isang election offense.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang election offense ay isang kasong kriminal na may kaakibat na pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon; pagkakatanggal ng karapatang bumoto; at perpetual disqualification to hold public office.
Kaya ani Laudiangco, dapat panatilihing sagrado ang pagboto.
Samantala, muling ipinabatid ng COMELEC sa publiko na ang Persons with Disabilities o PWDs, kasama ang senior citizens at mga buntis, ay may pribilehiyo sa tinatawag na early voting hours, na mula 5:00 A.M. hanggang 7:00 A.M.
Ito ay eksklusibo para sa kanila para hindi makasabay ang mga regular na botante, na mag-uumpisang bumoto mula 7:00 A.M. hanggang 7:00 P.M.
Kung sakali namang hindi umabot sa early voting ang mga PWD, senior citizen, at buntis, ay prayoridad pa rin sila sa regular voting hours kung saan may inilalaan na special lane para sa mga ito.
“Option lang naman po iyong para sa ating PWDs, senior citizens at pregnant women, puwede rin naman pong bumoto sa pagitan ng 7:00 A.M. hanggang 7:00 P.M. Priority pa rin po at hindi pa rin po sila papipilahin,” saad ni Atty. John Rex Laudiangco.