COMELEC Chairman Garcia aminado na sila ang may mali kaya napagpaliban ang kanilang budget hearing sa Senado

COMELEC Chairman Garcia aminado na sila ang may mali kaya napagpaliban ang kanilang budget hearing sa Senado

AMINADO si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Atty. George Garcia na sa kanila ang pagkakamali kung bakit naipagpaliban ang budget hearing ng kanilang ahensya sa pagdinig sa Senado na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos.

Ayon kay Garcia hindi kasi sila nakapagsumite ng mga hinihinging dokumento na ipinasusumite ng Senado kaugnay sa P10-B na hirit na pondo para sa Barangay ang Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 2023; performance ng OFW voting; update sa kompensasyon ng kanilang mga empleyado; mga isyung may kaugnayan sa Smartmatic at ang vote buying issue na nangyari nito lamang 2022 national elections.

Subalit iginiit ni Garcia na sakaling matuloy man ang pagdinig kaya nilang ipaliwanag ang mga naturang isyu sa Senado subalit mas makakabuti na magsumite na lamang sila ng hinihinging dokumento ng Kapulungan.

Nangako naman si COMELEC Chairman na kanilang isusumite ngayong hapon ang mga naturang dokumento.

Magugunita na naunang ipinagpaliban kanina ng Senate Committee on Finance ang pagdinig sa 2023 budget ng COMELEC.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Senadora Imee Marcos, Finance Committee Chairman, dahil sa kabiguan ng COMELEC na magsumite sa sub-committee ng hinihingi nilang mga mahahalagang dokumento.

Giit ni Marcos, sa limang ipinasusumiteng dokumento ay kahit isa ay walang naibigay ang COMELEC sa Senado kaya naman ipinagpaliban “until further notice” ang budget hearing ng ahensya.

Follow SMNI NEWS in Twitter