KINATIGAN ng COMELEC 2nd Division ang petisyon na nagdidiskwalipika kay Dating Congressman Egay Erice sa pagkatakbo nito sa 2025 midterm election bilang 2nd District Representative ng Caloocan City.
Sa petisyon na inihain ni Raymond Salipot, ilan sa mga grounds laban kay Erice ay ang pagpapalabas nito ng mga alegasyon ng bribery at kurapsiyon laban sa COMELEC na hindi naman beripikado gayundin ang paggamit nito ng mga salita o lenguwahe na nakakaalarma sa publiko maging ang malisyoso nitong pahayag na isang malaking scam ang kontrata ng COMELEC sa Miru System, ang bagong service provider ng komisyon para sa mga makinaryang gagamitin sa halalan.
Ayon sa petisyoner, malaking paglabag sa Omnibus Election Code ang mga inilalabas nitong mga misleading reports na ang intensiyon ay guluhin ang proseso ng halalan at magdulot ng pagkalito sa mga botante.
Maari pang i-apela ni Erice ang desisyon ng 2nd Division sa COMELEC EnBanc na kinabibilangan nila COMELEC Chairman George Garcia at mga Commissioner na sina Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay, Ernesto Ferdinand Maceda Jr., at Nelson Celis.
Pero si Garcia, nag-inhibit na sa disqualification case laban kay Erice.
Ibig sabihin, hindi ito makikilahok sa mga gagawing proceedings ng komisyon para dito.
Matatandaan na may mga inihaing petisyon si Erice laban sa COMELEC Chief sa tanggapan ng Ombudsman at Korte Suprema.
“In view of the recent issues and the cases filed by former Congressman Edgar R. Erice against me, I am exercising my discretion to inhibit myself from handling or participating in any and all cases involving him or may be filed by him or against him.”
“This decision is made to preserve the principles of fairness and impartiality, ensuring the integrity of the proceedings under my jurisdiction and avoiding any potential perception of bias or conflict of interest,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Sabi rin ni Erice, na naging kliyente ni Garcia ang kalaban nito sa darating na eleksiyon bagay na kinumpirma ni Garcia pero ayon dito hindi siya nangialam sa desisyon ng 2nd Division.
Napag-alaman naman na walang naibigay na sagot si Erice sa komisyon hinggil sa disqualification case nito na nagbigay daan kaya ito diniskwalipika ng 2nd Division.
Ayon kay Garcia, kasama pa rin sa balota ang pangalan ni Erice dahil hindi pa naman final and executory ang desisyon ng 2nd Division dahil nga maari pa itong mag-apela.
Sa susunod na linggo ay maghahain ng motion for reconsideration si Erice.
Ayon kay Garcia, nakadepende na sa ibang miyembro ng COMELEC Enbanc kung gaano kabilis mareresolba ang DQ case laban dito.