COMELEC, hindi itinuloy ngayong araw ang muling pag-iimprenta ng balota kasunod ng 2 panibagong TRO

COMELEC, hindi itinuloy ngayong araw ang muling pag-iimprenta ng balota kasunod ng 2 panibagong TRO

NASA 11 na ang naibabang Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema laban sa Commission on Elections (COMELEC).

Ang TRO laban sa diskwalipikasyon ng senatorial aspirant na si Francis Leo Marcos at local aspirant na si Noel Rosal ang dalawa sa pinakabagong inilabas ng Korte Suprema kahapon.

Sa kabilang banda, iginiit ni COMELEC Chair Atty. George Garcia na maari pang magbago ang disposisyon ng Kataas-Taasang Hukuman sa mga iginawad na diskwalipikasyon ng poll body sa mga ilang tumatakbo kasama na ang mga aspiranteng idineklarang nuisance o pampagulo lang sa halalan.

“Dineklara po silang nuisance dahil paniniwala ng COMELEC, they are making mockery of the electoral process. Hindi seryoso ang pagtakbo,” Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.

“Tatandaan po natin na ang isang TRO, ay pansamantalang remedyo, hindi po ito final na desisyon sa merito ng kaso. Hindi pa po nito sinasabi na tama o mali ang Commission on Elections sa naging desisyon po niya,” dagdag ni Garcia.

Sa kaso ni Norman Mangusin o Francis Leo Marcos sa kaniyang screen name, ay isa itong nuisance candidate dahil pampalito lang ito sa mga botante ayon sa komisyon.

Dahil na rin sa mga bagong TRO, hindi itinuloy ng poll body ang nakatakdang resumption ng pag-iimprenta ng mga balota ngayong araw ng Miyerkules.

Minabuti nilang gawin na lang ito sa darating na Biyernes ng hapon o sa Sabado dahil sa mga kailangang adjustment sa mukha ng bagong balota kung saan kailangang maisama ang dalawang panibagong nabigyan ng TRO.

Para mapabilis ang pag-iimprenta, gagamit na ng 6 na printing machines ang komisyon, kasama na dito ang mga makina ng National Printing Office (NPO).

“Umaasa tayo, hopefully magkakaroon tayo ng 1.5-M production output sa isang araw,” ani Garcia.

Sa Sabado, kasabay ng re-printing, ay isasagawa na ng komisyon ang mock elections sa ilang piling lugar sa buong Pilipinas at maging sa ilang lugar sa abroad.

Sa mock elections, gagamit ang poll body ng mga test ballots kung saan ang pangalang nakalagay doon ay hindi mga totoong kandidato.

“Ang mga original na balota ay sisimulan nating gamitin ‘yan, sa tinatawag na final testing and sealing. Sampung balota sa bawat presinto. Sampung botante na tunay ang boboto at ang lahat ng teachers na maglilingkod sa presinto. Isang linggo po ‘yan bago mag-eleksyon. Titingnan kung ang lahat ng makina ay gumagana,” ani Garcia.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble