WALANG ibibigay na timeline o palugit ang Commission on Elections (COMELEC) para sa pagbuo ng bagong guidelines sa People’s Initiative (PI).
Ito ang sinabi ni COMELEC chief Atty. George Garcia matapos siyang matanong kung kakayanin bang ilabas ang bagong rules sa loob ng isang buwan.
Hindi anila puwedeng madaliin at diktahan ang gagawin ng panel.
Una nang sinabi ng COMELEC chief na pangungunahan ni COMELEC Executive Director Teofisto Elnas, Jr. ang special committee para sa pagrepaso ng kanilang rules sa PI.
Aminado naman si Garcia na mas maluwag sa kanilang pakiramdam ngayon na wala muna silang tinatanggap na pirma para sa inisyatiba.
Matatandaan, kahit wala pang pormal na petisyon para sa PI ay inuulan na ito ng kontrobersiya dahil sa mga alegasyon ng pamimili ng mga lagda.
Una na ring tinutulan ng Senado ang anumang hakbang para sa PI.
Samantala, maging ang mga ordinaryong mamamayan ay nakahinga rin ng maluwag nang itigil ng komisyon ang pagtanggap ng signature forms.
Pagsisimula ng registration period para sa 2025 midterm polls, gagawin sa Kalayaan Islands, WPS—COMELEC
At dahil suspendido ang lahat ng prosesong may kinalaman sa PI ay mas matututukan na ngayon ng COMELEC ang paghahanda para sa 2025 midterm elections.
Sa darating na Pebrero 12 ay bubuksan ang registration period kung saan nasa dalawa hanggang tatlong milyon ang inaasahan nilang madaragdag na botante.
Idedeklara din nila ang Pebrero 12 bilang National Voter’s Day.
Gagawin ng COMELEC ang kick off ng registration sa Kalayaan Islands sa West Philippine Sea (WPS).