IBABATAY ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang magiging patarakan para sa gagawing mga kampanya ng mga kanididato para sa 2022 general elections ayon kay COMELEC Comm. Marlon Casquejo.
Dagdag pa ni Casquejo, kabilang na sa mga ibabatay sa IATF guidelines ang mga in-person campaign at party conventions.
Samantala sinabi ni Casquejo na ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4 at 5 ay hindi papayagang magsagawa ng in-person campaign ngunit kung nasa Alert Level 1 naman ay walang magiging restriksyon.
Saad pa ni Casquejo, sa Alert Level 2, papayagan ang in-person campaign ngunit isang kandidato, isang campaign leader at 5 support staff lamang ang papayagan habang sa Alert Level 3, tatlo lamang ang puedeng mag-ikot.
Bukod pa rito, lilimitahan din ang bilang ng mga taong dadalo sa mga rally at kampanya depende sa Alert Level.
Bawal din aniyang pumasok sa bahay ang mga kandidato at hindi rin pwede ang anumang physical contact.
Sa ngayon, pinag-aaralan ng COMELEC ang magtalaga ng Facebook Page sa bawat lugar na puwedeng gamitin sa pag-live stream ng mga campaign rally.
Kaungay nito, maaaring maaprubahan sa susunod na linggo ng COMELEC En Banc ang nasabing panuntunan.