MULING gumawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng trusted build para sa kanilang bagong Election Management System.
Kasama sa mga nabago sa sistema ng komisyon ay ang pagkakaroon ng “add feature” kung saan maari nang idagdag ang mga pangalan ng mga aspiranteng diniskwalipika ng komisyon sa pagtakbo sa halalan pero pinaboran naman ng Korte Suprema sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO).
Matatandaan na ang senatorial aspirant na si Subair Mustapha at apat na local aspirants ang unang nakakuha ng TRO na sinundan pa ng tatlong local aspirants.
Sa ngayon, walong aspirants ang kailangang mailagay sa bagong balota kasunod ng ibinabang TRO ng Kataas-Taasang Hukuman.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, pagkatapos ng trusted build ay ang pagpapalabas nila ng opisyal na ballot face templates.
Sa Miyerkules ay magsisimula na ulit ang komisyon sa pag-iimprenta ng mga bagong balota kung saan ay gagamitin na ng poll body ang mga makinarya ng National Printing Office (NPO).
Nanindigan naman ang komisyon na kailangang manatili sa alpahetical arrangement ang pangalan ng mga kasama sa balota.
Ito ay kahit pa may mga umapela kagaya ni Francis Pangilinan na ilagay na lamang sa dulo ng balota si Mustapha.
Suhestiyon na maisama na rin sa balota ang lahat ng aspirante na may apela ngayon sa Korte Suprema, isinantabi ng COMELEC
Isinantabi rin ng poll body ang suhestiyon na maisama na rin sa balota ang lahat ng mga aspiranteng may nakabinbin na apela sa Korte Suprema.
Matatandaan na 117 ang idineklarang nuisance candidate ng komisyon pagdating sa senatorial race, 17 sa pagkakongresista at 67 naman sa mga tumatakbo sa local positions.
Dumipensa naman ang COMELEC sa mga natanggap na mga TRO mula sa Korte Suprema.
Dahil sa aberya sa pag-iimprenta ng balota, COC filing sa susunod na eleksyon, aagahan na ng COMELEC?
Pinag-iisipan naman ng COMELEC ang pagpapaaga ng COC filing sa susunod na eleksiyon para hindi maulit ang aberya sa pag-iimprenta ng mga balota.
Ayon kay Garcia, tinitingnan nila na maisagawa sa buwan ng Hulyo ang filing para magkaroon sila ng sapat na panahon sa pagdedesiyon at paghihintay ng resolusyon mula sa Korte Suprema.