Comelec, magpapatupad ng election gun ban bago ang plebesito sa Palawan

MAGPAPATUPAD ang Comelec ng election gun ban sa Palawan bago ang plebisito na magraratipika sa batas na naghahati sa probinsiya sa tatlo.

Sinabi ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elnas na ipatutupad ang gun ban sa Palawan simula Pebrero 11 hanggang Marso 20.

Kabilang aniya sa ban ang pagbiyahe ng mga armas, ammunition, at raw materials sa paggawa ng mga armas at pampasabog.

Sa resolution ng Comelec, tanging mga regular member lamang ng PNP, AFP at iba pang law enforcement agencies ng gobyerno na may election duty ang pinapayagan na magdala ng armas sa kasagsagan ng election period.

Magtatayo rin aniya ng mga checkpoints sa probinsiya.

Nakatakdang magsagawa ang Comelec ng plebiscite sa 23 munisipalidad ng Palawan sa Marso 13 para iratipika ang Republic Act No. 11259 na layong hatiin ang probinsya sa Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur.

Matatandaang Mayo 2020 ang orihinal ng pagsasagawa ng plebisito ngunit sinuspinde ito ng Comelec bunsod ng COVID-19 pandemic.

SMNI NEWS