COMELEC, may mabigat na warning sa mananabotahe ngayong eleksiyon

COMELEC, may mabigat na warning sa mananabotahe ngayong eleksiyon

WALANG katakot-takot na binalaan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Atty. George Garcia ang sinumang mananabotahe, kasama na ang mga pananakot na gagawin ngayong panahon ng halalan. Suportado naman ng PNP at AFP, ang tinuran ng COMELEC.

“Tatandaan niyo ito… sa lahat ng mananakot at gagawa ng krimen at karahasan. We will make your lives difficult,” Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Ito ang matapang na babala ng COMELEC laban sa mga mananabotahe ngayong panahon ng halalan.

Kasunod ito ng mga bantang dala ng mga sindikato, kriminal, at private armed groups ng mga politiko o sinuman na nais guluhin ang pagsisimula sa election period hanggang sa araw ng botohan.

Ani Garcia, hindi siya mag-aatubiling gumawa ng hakbang mapigilan lamang ang mga mananamantala, o mananakot sa mga botante, mga miyembro ng electoral board, mga guro na layong pigilan ang eleksiyon.

“Dapat hanggang maaari mawala na ‘yan bago magsimula ang campaign period,” ani Garcia.

Payo ng COMELEC sa publiko, bumoto lang ng maayos na hindi kailangang magdulot ng takot o banta sa kapwa o sinuman.

COMELEC, inatasan ang PNP na plain view doctrine lang ang ipatutupad sa mga checkpoints ngayong election period

Sa panig ng PNP at AFP, suportado nila ang COMELEC sa hangad na maging mapayapa ang botohan ngayong taon kasama na ang pagdaragdag ng mga tauhan nito partikular na sa mga lugar na idedeklarang election hotspots.

Paiigtingin din nila ang pagsasagawa ng regular checkpoints sa ilalim ng plain view doctrine.

Pero nilinaw ng COMELEC na papahintulutan lamang ang pulis na maghalughog sa loob ng sasakyan kung may kaukulang warrant o dokumento laban sa isang tao.

Samantala, sa panig ng militar, hinimok nito ang publiko na piliin at iboto ang tamang kandidato na magbibigay ng tunay na solusyon sa mga problema ng bansa.

AFP sa mga botante: Iboto ang tama ang ituwid ang direksiyon ng bansa

Ramdam kasi ng AFP ang hinaing ng maraming Pilipino kaugnay sa malalaking problema na nararanasan ngayon ng bansa.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, ngayon ang panahon para ituwid sa tamang direksiyon ang Pilipinas.

“Gamitin po natin ang eleksiyon by voting the right people at the right positions. Maituwid ‘yung direksiyon ng ating bansa,” wika ni Gen. Romeo Brawner, Chief of Staff, AFP.

Sa huli, tiniyak din ng COMELEC na hindi magkakaroon ng dayaan sa halalan dahil sa ginawang mga pag-aaral sa proseso ng botohan hanggang sa proklamasyon ng mga nanalong kandidato.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble