NAGAGALAK ang Commission on Elections (COMELEC) sa pagdagsa ng mga bagong registrants para sa darating na barangay at SK elections.
Ito ang inihayag ni COMELEC spokesperson Atty. Rex Laudiangco sa panayam ng SMNI News.
Bagamat ikinatuwa naman ang pagdagsa ay patuloy na hinihikayat ni Atty. Laudiangco na magparehistro na dahil hanggang alas-5 ng hapon na lang sa Hulyo 23 ang registration para sa barangay at SK elections.
Pinaliwanag din ni Laudiangco na nakasaad sa Republic Act 11462 na isasagawa sa December 5, 2022 ang eleksyon ng barangay at SK.
Nakasaad din sa Republic Act 8189 o ang Continuing Registration Act kung saan ipinagbabawal na ang pagsasagawa ng registration, 120 araw bago ang regular elections.
Dagdag pa ni Laudiangco, mula Agosto 2-6 ay magsasagawa ng pag-aayos ang COMELEC sa mga presinto, paggawa ng bagong presinto at pag-check sa mga database ng komisyon ukol sa multiple o double registrant.