KAILANGANG iparehistro ng mga kandidato, mga partido at campaign teams ang kanilang mga official social media accounts, pages, websites, podcast, blogs, vlogs, at iba pa.
‘Yan ang mahigpit na polisiya ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) sa kanilang inilabas na panuntunan para ma-regulate ang paggamit ng social media sa pangangampanya para sa 2025 midterm elections.
Batay sa guidelines, kailangan nila itong mai-parehistro sa loob ng 30-araw pagkatapos ang Certificates of Candidacy (COC) filing o hanggang Disyembre 13, 2024.
Ang mga aplikasyon para dito ay dadaan sa ebalwasyon ng Education and Information Department (EID) at rerebyuhin naman ito ng Task Force sa Katotohanan, Katapatan, at Katarungan.
Ito rin ang siyang mag-eendorso sa COMELEC en banc kung dapat itong aprubahan.
Ang mga maaaprubahan ng COMELEC ay makikita sa official website ng komisyon.
Samantala, kailangan ding ipaalam ng mga kandidato at mga partido kung ang kanilang mga campaign materials ay ginamitan ng artificial intelligence (AI).
Sa disclosure, dapat detalyado ang kanilang paliwanag patungkol sa uri at lawak ng paggamit nito ng AI maging ang ginamit na teknolohiya para dito.
Kailangan din nilang kumpirmahin sa COMELEC na nakakakuha sila ng consent sa mga indibidwal na makikita sa kanilang AI campaign materials.
Ang mga bigong makapag-comply sa mga panuntunan ay pagpapaliwanagin ng COMELEC kung bakit hindi sila dapat parusahan.
Maghahain din ng election complaint ang komisyon laban sa mga pasaway na kandidato at partido.
Election period para sa midterm elections, magsisimula sa Enero 12, 2025; Campaign Period para sa National Post, magsisimula sa Feb. 11
Batay sa guidelines ng COMELEC, ang election period para sa 2025 midterm election ay magsisimula sa Enero 12 hanggang Hunyo 11, 2025.
Habang ang campaign period para sa pambansang posisyon o sa pagka-senador at party-list group ay magsisimula sa Pebrero 11, 2025 at tatakbo hanggang Mayo 10, 2025.
Ang mga aktibidad sa kampanya ay ipinagbabawal sa Abril 17, 2025 (Maundy Thursday) at Abril 18, 2025 (Biyernes Santo).
Ang panahon ng kampanya para sa mga miyembro ng House of Representatives, parliamentary, provincial, city, municipal officials ay magsisimula naman sa Marso 28, 2025 hanggang Mayo 10, 2025.