NAGSIMULA nang mag-imprenta ng mga balota ang Commission on Elections (COMELEC) sa National Printing Office, 126 days bago ang halalan sa Mayo 12 ngayong taon.
Target ng COMELEC na sa loob ng 77 araw o hanggang Abril 14 ay tapos nang ma-imprenta ang lahat ng mga balota.
Mahigit 70 milyon ang balotang hahabuling matapos ng komisyon.
Sa kada araw target nilang makapag-imprenta ng 950,000 na balota.
Ayon kay Printing Committees Vice Chairperson Helen Aguila-Flores, record breaking ang pagsisimula ng printing ng mga balota ngayon.
Kung walang magiging aberya at technical glitch o rejected ballots ay kayang matapos ang mga balota ng mas maaga sa Abril— bagay na malabong umanong mangyari.
Uunahin ng COMELEC ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa overseas voting.
May mga bansa kasi na hindi pa rin gagamit ng internet sa pagboto.
Uunahiin din ang pag-iimprenta ng mga balota para sa local absentee voting, at test ballots.
Sisimulan na rin ang pag-iimprenta ng balota na gagamitin sa BARMM elections.
Ang mga balota na para sa National Capital Region (NCR) ay ang huli sa iimprenta.
Ayon kay Garcia, kahit sino ay puwedeng obserbahan ang pag-iimprenta ng balota basta may proper coordination sa COMELEC.
Aniya, limitadong bilang ng tao lang papayagan nilang makapasok sa printing area sa mga susunod na araw bilang pag-iingat.
Sa pagkasenador 66 na aspirante ang nasa pinal na listahan o balota ng COMELEC habang 155 naman sa party-list groups.
Sa local positions, sa Martes magpapalabas ng ballot face ang COMELEC.
Ang mga aspirante na mayroon nang certification of finality at entry of judgement para sa kanilang diskwalipikasyon o kanselasyon ng kanilang COC ay hindi na makakasama sa balota.
Ilan sa mga diniskwalipika ng komisyon ay si dating Congressman Egay Erice habang kinansela naman ng COMELEC ang certificate of candidacy ni dating Mandaue City Mayor Jonas Cortes.
Final and Executory ang desisyon sa kanila ng komisyon.