BAGAMA’T pinayagan ng Commission on Elections (COMELEC) ang exemption ng Department of Agriculture (DA) mula sa election spending ban para sa kanilang 20-peso rice project, hindi ito isang simpleng go signal.
Kasama sa exemption ang disbursement ng nasa P5B—pero may malinaw na mga kondisyong kalakip.
Sa inilabas na exemption, mahigpit na ipinag-utos ng COMELEC na hindi dapat makikita ang presensiya ng kahit sinong kandidato sa distribusyon ng bigas. Dapat ding tumpak na masunod ng mga personnel ng ahensya ang guidelines, magsumite ng ulat kaugnay ng ginawang disbursement, at sundin ang iba pang alituntunin.
Ngunit higit pa rito, may dagdag pang babala si COMELEC Chairman George Garcia.
Ayon sa kaniya, hindi sapat ang exemption ng DA at NFA—ang mga lokal na pamahalaan na tatanggap ng bigas at magbibigay ng subsidy ay kailangang kumuha rin ng hiwalay na exemption.
Dahil ang presyo ng bigas mula DA ay nasa P33 kada kilo, at kung ito’y ibebenta ng LGU sa halagang bente pesos, lumalabas na P13 ang isusubsidize ng LGU—isang usapin ng public fund na kailangang may basbas ng COMELEC.
“’Yong mismong LGU na mag-aavail noong 20 pesos na presyo ng kilo ng bigas, sila mismo dapat ay mag-aapply din ng exemption sa COMELEC. Hindi porke’t nabigyan namin ng exemption ang DA at ang NFA ay automatic exempted ang LGU. Bakit? Eh kasi ibebenta po kasi ‘yan ng mismong DA sa 33 pesos sa LGU. Kapag po nagkaganun, ibig sabihin isu-subsidize ng mismong LGU ng 13 pesos. So dapat po ihihingi sa’min ng exemption ‘yon. Hindi naman po nila binili ng bente eh, binili nila ng 33 pesos,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Sa pamamagitan ng hiwalay na exemption mula sa LGU, malalaman ng Comelec kung may pondo ba talaga itong nakalaan sa kanilang budget para sa pagbili ng bigas—at kung may basbas ito ng Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan. Kung wala, posibleng masilip ang isyu ng ilegal na paggastos ng pondo ng bayan.
“Gusto namin malaman kung saan kukunin ang pondo kasi kung wala namang naka-allocate sa budget nila sa 2025, so saan nila kukunin. Number 2, ano ang mekanismo ng LGU sa paggamit nito. At number 3, napakaimportante, hindi nakakapag-dispose ng public funds sa LGU nang walang Sangguniang Bayan o Sangguniang Panlungsod resolution. Pumapayag ba ‘yong mismong sanggunian na isusubsidize nila ‘yong 13 pesos? Otherwise kung desisyon lang ‘yan ng local executive, that’s graft and corrupt practices violation,” dagdag ni Garcia.
Maliban pa sa mga teknikal na kondisyon, binigyang-diin ni Garcia na hindi maaaring hadlangan ang media, civil society, at iba pang stakeholders na obserbahan ang distribusyon ng bigas.
Dapat din itong isagawa sa mga pampublikong lugar upang matiyak ang transparency at maiwasan ang alinmang pagdududa ng taumbayan na may nilulutong iregularidad.
“Ito po kasi ang cine-complain ng mga tao noong nakaraan eh. Bakit daw nasa private property? So ang tanong, kung ‘yon bang pinamimigay sa private property, kung meron man, ay mga ayuda. Baka kasi ang pinamimigay ay private funds. So napakaliwanag na vote buying. Palabasin lang kunwari na may ipamimigay na public funds or whatever, pagkatapos may iba palang ibinibigay,” aniya.
VP Sara: P20/kg rice project ng gobyerno, ginagamit sa pagpapalakas ng mga kandidato ni BBM
Samantala, una nang kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang timing ng distribusyon ng 20-pesos-per-kilo rice ng administrasyon—lalo na’t nakatakda itong isagawa sa Visayas, isang rehiyong kinikilalang mahina ang suporta sa mga kandidato ni Pangulong Bongbong Marcos.
VP Sara: Huwag iboto ang mga kandidato ni BBM
Sa isang kampanya sa Tondo, Maynila, hindi nag-atubiling sabihin ni Vice President Sara Duterte sa mga tao na huwag iboto ang mga kandidato ni Pangulong Bongbong Marcos, binanggit niyang hindi natupad ang mga pangako ng administrasyon.