COMELEC, nanindigan na hindi nila puwedeng isnabin ang mga lagda para sa PI

COMELEC, nanindigan na hindi nila puwedeng isnabin ang mga lagda para sa PI

PATULOY na umiinit na ang usapin sa People’s Initiative (PI) matapos kuwestiyunin ni Sen. Koko Pimentel ang karapatan ng Commission on Elections (COMELEC) na tumanggap ng mga lagda para sa PI.

Una nang nanindigan ang Senado na hindi sila pabor sa PI na isinusulong ng mga kongresista.

Posible ring umapela si Pimentel kasama ang ilang senador sa Korte Suprema para ipa-TRO ang pagtanggap ng signature forms.

Una nang sinabi ng COMELEC na ministerial duty nila ang pagtanggap ng mga lagda.

Sa isang panayam, araw ng Biyernes, diretsahang sinagot ni COMELEC chief Atty. George Garcia, ang naging pahayag ni Pimentel.

“Nasa Comelec Resolution 10650 po ‘yun. With all due respect to our good Senator Koko Pimentel ay na-promulgate po noong 2020. ‘Yan po ay implementing rules and regulations o guidelines para po sa Republic Act 6735,” paliwanag ni Atty. George Garcia, COMELEC Commissioner.

“Yun pong sinasabi na ‘yung Republic Act 6735 ay hindi po tamang batas para sa pag-aamend ng Saligang Batas ay at this point hindi po namin pwedeng sabihin na hindi. Sapagkat may pronouncement po ang Supreme Court sa Lambino vs. COMELEC na sinasabi daw po ng 10 mahistrado na ang RA 6735 ay isang valid na batas sa pagaamyenda sa Saligang Batas. And therefore, po as of today, ‘yun pong COMELEC Resolution 10650 ay isang valid na issuance po ng Commission on Elections (COMELEC),” dagdag pa nito.

Hirit pa nito, sila ang mapapamahak sakali’t ititigil nila ang pagtanggap sa mga lagda.

“Hindi naman po namin pwedeng baguhin o isantabi ‘yun sapagkat kami naman po at yung local COMELEC namin ang makakasuhan po ng Dereliction of duty kasi mandato po ‘yun,” ani Garcia.

Welcome naman sa komisyon ang anumang hakbang para mapa-TRO ang ginagawa ng kanilang pagtanggap ng signature forms.

Sinabi nito na tanging ang Korte Suprema lamang ang makakapagsabi kung tama o mali ang kanilang ginagawa.

“Sana nga po dumating ang tamang panahon o baka ito ‘yung tamang panahon na kung hindi po talaga sumasang-ayon ang ilan sa amin resolution sapagkat ‘yan ay existing and valid hanggang sabihin ng mas mataas na korte na balewala ‘yan at hindi dapat ‘yan ipatupad ng COMELEC,” ayon kay Garcia.

Sa ngayon ay lumagpas na sa isang libong mga munisipalidad at lungsod sa buong bansa ang nakapagsumite ng mga kopya ng mga lagda sa COMELEC.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble