COMELEC, nilinaw ang kanilang desisyon ng pagbasura sa DQ cases ni BBM

COMELEC, nilinaw ang kanilang desisyon ng pagbasura sa DQ cases ni BBM

NILINAW ng Commission on Elections  (COMELEC) ang kanilang naging desisyon na ibasura ang tatlong disqualification (DQ) cases laban kay Presidential Aspirant Bongbong Marcos.

Sa panayam ng SMNI News kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, sinabi ng opisyal na dalawang punto ang kanilang tinitingnan sa kaso ni BBM.

Una dito ay kung mayroong itong conviction na napatawan ng parusa na mahigit sa labingwalong buwan at pangalawa, kung mayroong conviction para sa isang krimen na may kargang moral turpitude.

At ang kaso ni BBM ay hindi nakitaan ng COMELEC ng mga salik na ito.

Ipinaliwanag ni Jimenez na ang unang punto ay hindi bagama’t naparusahan si Marcos ay hindi naman ito nakulong, batay na rin sa naging desisyon ng Court of Appeals.

Sa ikalawang punto naman, nilinaw ni Jimenez na ang kabiguang maghain ng income tax ay walang moral turpitude ayon na rin sa Korte Suprema.

Kaugnay naman sa batikos na natanggap ng COMELEC hinggil sa pagbasura sa DQ cases ni BBM, kung saan ang desisyon umano ay tila nagsasabing okay lang na hindi magbayad ng buwis, ipinunto ni Jimenez na walang kinalaman ang COMELEC sa isyu ng pagbubuwis.

Samantala, kinumpirma din ni Jimenez na may natitira pang isang disqualification case si Bongbong Marcos sa COMELEC na inihain ng petisyuner na si Margarita Salonga Salandanan.

COMELEC, nilinaw na supplier lamang ang Smartmatic at hindi nagpapatakbo ng eleksyon

Samantala, pinawi naman ni Jimenez ang pangamba ng publiko ang posibilidad na madaya ang resulta ng eleksyon dahil sa sistema ng Smartmatic.

Nilinaw ni Jimenez na supplier lamang ng makina ang Smartmatic at hindi ito nagpapatakbo ng eleksyon.

Ito ang naging pahayag ng kalihim matapos sabihin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na nakompromiso ang sistema ng Smartmatic.

Sa kabila nito, naniniwala ang CICC na walang hacking incident ngunit sinabi ni Executive Director Cezar Mancao II na ang sistema ay nagalaw.

Naninindigan naman ang COMELEC na walang ebidensya na nagalaw ang sistema ng Smartmatic.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang COMELEC sa Smartmatic kabilang ang mga enforcement agency para matukoy ang pinagmulan ng problema.

Dagdag pa ni Jimenez, walang dapat ipag-alala ang publiko sa posibleng manipulasyon dahil ang mga resulta ng eleksyon ay ipapadala kaagad sa mga Board of Canvasser mula sa mga election precinct.

Follow SMNI News on Twitter