PASADO na sa ikatlong at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH-7) sa Kamara.
Una nang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez, na economic provisions lang ang pakay nila sa RBH-7 at hindi ang pagbabago ng buong Saligang Batas.
Ang bersiyon ng Kamara para sa economic provision ay posible ring maisumite na sa COMELEC na hindi dumadaan sa Senado.
Ang COMELEC, aminado na hindi madali sa bahagi nila sakaling dumating ang panahon na maisusumite sa kanila ang resolusyon.
Ayon kay COMELEC Chair Atty. George Garcia, matinding pagsusuri ang gagawin ng komisyon kapag natanggap na nila ang resolusyon.
“Sa part ng COMELEC, kung ipapareceive sa ‘min yan, tatanggapin namin ‘yan. Pero matindi po naming pag-aaralan ‘yan kung ano ang magiging pagkilos o aksyon ng Commission on Elections. Sapagkat wala pong precedent. Wala kaming basehan sa nakaraan. First time po saka-sakali na mangyayari ito na may ipapa-receive sa COMELEC para sa resolusyon ng pagbabago ng Saligang Batas,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Ang pag-aaralan ng COMELEC sa resolusyon ng Kamara ay kung kinakailangan pa ba ng boto mula sa Senado.
Ayon kay Garcia, mahirap pang magsalita hinggil sa issue lalo na kung spekulasyon pa lang ang pagsusumite sa kanila ng RBH-7.
“Ano ba ‘yan voting jointly, o voting separately, kapag voting jointly, kahit hindi na kasama ang Senado, kapag voting separately, kailangan mo ng 3/4 ng House at 3/4 ng Senado. Kaya in the meantime, ayaw muna namin magpadala sa issue na ‘yan, premature pa lang. Kasi hindi pa pinapadala sa ‘min. Nakapakahirap na sa aming responsibilidad nakaatang ang pag-interpret, siguro we will cross the bridge if we get there,” dagdag ni Garcia.
Ang tiyak ayon kay Garcia na ang kanilang magiging pagkilos at pag-aksiyon sa resolusyon ay nakaayon sa nakasaad sa Saligang Batas.
Mga bagong rehistrado para sa 2025 Elections, pumalo na sa 1.5-M
Samantala, umaabot na ngayon sa 1.5 milyon ang nakapagpatala sa nagpapatuloy na registration period ng COMELEC.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na aabot ng hanggang 3.4 milyon ang mga bagong botante mula sa target nilang 3 milyon.
Kasama sa inaasahan ni Garcia na mapapasama sa bilang ang mga Overseas Filipinos na nagsimula ang pagpapatala noon pang nakalipas na taon.
Ang panawagan lang ni Garcia, ay sana bomoto nang tama ang mga ito pagdating ng eleksiyon.
“Sa amin naman, mas maraming botante, mas maayos subalit again, ‘yong mga dagdag na botante dapat bomoto nang tama. ‘Yon naman ang aking panawagan, kasi marami ka ngang botante pero masasayang boto nila kasi sila ay nagbenta ng boto, o dahil sila ay tinakot o naterorize dahil sa nagpagamit sila kay sila magparehistro, parang balewala ang registration kapag nagkaganun,” aniya.