SA 37-pahinang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Datu Pax Ali Mangudadatu versus COMELEC, iginiit ng Kataas-taasang Hukuman na hindi maaaring maupo sa posisyon ang natalong kandidato, kahit madiskwalipika o makansela ang Certificate of Candidacy (COC) ng nanalo.
Sa halip, dapat ang kapalit ay manggaling sa proseso ng succession.
Nilinaw ng SC na walang umiiral na batas na nagbibigay-karapatan sa second placer para maupo bilang opisyal sa lokal na posisyon.
Dahil dito, gusto ng COMELEC na humingi ng paglilinaw sa SC dahil mabigat umano ang implikasyong dala ng bagong doktrina.
Ayon sa poll body, may mga nauna silang desisyon kung saan ang second placer ang ipinroklamang nanalo matapos madiskwalipika ang leading candidate.
Kaya’t pinag-iisipan ng COMELEC ang paghahain ng motion for reconsideration sa Supreme Court sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General.
Dahil sa desisyon ng SC, kailangan ding pag-isipan ng COMELEC kung ilalabas na ba nila ang desisyon sa iba pang disqualification cases, o hihintayin muna ang magiging tugon ng Korte sa kanilang motion for reconsideration.
Magkakaroon sila ng pagpupulong ukol dito.
Sa kaso ng pagkansela ng COC ng nanalong kongresista sa ika-anim na distrito ng Maynila na si Joey Chua Uy, posible umanong hindi ito masaklaw ng bagong doktrina.
Kung mapi-pinal ang diskwalipikasyon ni Uy, at maipapatupad ang second placer rule, si Benny Abante na siyang pumangalawa sa botohan ang maaaring umupo.
“Pagkasi po congressman hindi naman po sila classified local officials, maaring hindi po maapply,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Matatandaang bukod kay Uy, ipinawalang-bisa rin ng Comelec en banc ang proklamasyon ng nanalong mayor ng Silang, Cavite na si Kelvin Anarna, bunsod ng perpetual disqualification mula sa Ombudsman.
Kung hindi maaaring palitan ni second placer, ang susunod sa kaniya sa posisyon ay ang nanalong vice mayor, alinsunod sa patakaran ng succession.