COMELEC, patuloy na nakatatanggap ng mga pirma para sa People’s Initiative

COMELEC, patuloy na nakatatanggap ng mga pirma para sa People’s Initiative

USAPIN na ngayon ang natatanggap na lagda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa People’s Initiative (PI) para sa isinusulong na Charter Change (Cha-Cha) o pagbabago sa Saligang Batas.

Puwede mabago ang Saligang Batas ng bansa sa pamamagitan ng tatlong paraan, constituent assembly, constitutional convention, at PI.

Sa ilalim ng PI, kailangang makakuha ng 12 porsiyento ng kabuuang bilang ng registered voters at 3 porsiyento ng kabuuang voting population ng isang distrito.

Mga Pilipino, aminado hindi alam kung ano ang Cha-Cha

Pero marami sa mga nakausap ng SMNI News ngayon ay wala pang alam kung ano ang Cha-Cha.

Ang mahalaga naman sa iba ay hindi ang pagbabago ng Saligang Batas kundi ang mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Ang iba naman naniniwala na hindi uunlad ang bansa sa Cha-Cha kung kurap ang nakaupo sa puwesto.

Sa ngayon, ayon kay COMELEC chairman Atty. George Garcia, parami nang parami ang natatanggap nilang pirma para sa PI.

“Mukhang bawat araw dumadami. Ngayon nga ay kulang-kulang na 600 at patuloy sa araw na ito nakatatanggap ‘yung ilang COMELEC local offices namin ng mga signature forms,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Pero gaya ng unang sinabi ng COMELEC chief, dadaan pa sa verification ang mga pirma.

“Kapag nag-utos na ang COMELEC na o tama, nakumpleto ‘yung sufficiency in form and substance, na-accomplish ‘yun, ang susunod po niyan uutusan po namin ang mga local COMELEC namin na ‘yung lahat ng signatures na natanggap nila sa bawat bayan at siyudad ay i-verify na nila, tingnan. Botante ba talaga ang mga pumirma ‘yang mga ‘yan. Number 2 ‘yan ba talaga ang pirma ng mga botanteng ‘yan at pagkatapos magbibigay sila ng report kung may nabawas ba o mga signature, o hindi talaga botante o na retain ba ‘yung bilang na ‘yun,” dagdag ni Garcia.

Tiniyak naman nito hindi nila palulusutin ang mga pirma na idinaan sa pamimilit at pamimili ng lagda.

“Hindi naman po puwede na kung anong binigay sa amin at ganun na lamang. Siyempre aalamin din ng COMELEC lalong-lalo na kung magco-complain na si A, si B si C, na ang kanilang pirma ay na-secure sa pananakot, terorismo, pamimigay ng pera o kahit na anuman na naging dahilan upang na siya ay pumirma,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble