COMELEC, pinag-aaralan ang online filing ng Certificate of Candidacy

COMELEC, pinag-aaralan ang online filing ng Certificate of Candidacy

IKINOKONSIDERA ng Commission on Elections (COMELEC) ang online filing ng Certificate of Candidacy para sa susunod na halalan sa 2022.

Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez, nagpahayag ng kahandaan ang mga mambabatas na amyendahan ang batas na nagsasaad na dapat ihain ng mga politiko ang kanilang candidacy ng personal.

Habang hindi pa naaamyendahan ang batas, sinabi ni Jimenez na ang paghahain ng kandidatura ay mananatiling in-person sa ngayon.

Sinabi ni Jimenez na ipagbabawal nila na maraming kasama ang mga kandidato kung saan 2 o 3 lang aniya ang maaring pumasok sa tanggapan ng COMELEC para mabilis din ang proseso.

Lilimitahan din ng COMELEC ang bilang ng crowds sa campaign sorties at hindi papayagan ang food distribution.

Samantala, sinabi ni Jimenez na naabot na ng COMELEC ang kanilang target na 4 million new voters pero inaasahang mas marami pa ang magpaparehistro dahil mayroon pang 98 na natitirang araw bago ang deadline sa Setyembre 30.

Overseas internet voting test, magsisimula na sa Hulyo

Samantala, magsisimula na sa susunod na buwan ang overseas voting test ayon sa COMELEC.

Ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, Commissioner-in-Charge for Overseas Voting, magkakaroon ng malaking impact kung paano isasagawa ang botohan sa hinaharap kapag lumabas na ang resulta ng paggamit ng mobile app para sa overseas voters.

Ang test voters na kabilang sa voting test ay kasali sa gagawing mock election gamit ang mobile application mula sa tech provider na Voatz at Indra Sistemas.

Samantala, nananawagan naman si Office for Overseas Voting (OFOV) Director Sonia Bea Wee-Lozada sa mga active registered overseas voter at complete voter registration na makilahok sa gagawin overseas test run.

Nilinaw ni Atty. Philip Luis Marin, media liaison ng Office for Overseas Voting ng COMELEC na hindi pa gaganapin sa 2022 national and local elections ang overseas internet voting.

Ani Atty. Marin, ito ay pinag-aaralan at sasailalim pa sa test para sa mga future election ng bansa.

Aniya, ang mga solutions provider na ito ay may mga mobile applications na maaaring gamitin ng mga test-voters na lalahok sa nasabing pag-aaral.

Bukod pa rito, sinabi ni Atty. Marin na maaaring mag-explore ang COMELEC ng iba pang paraan ng pagboboto.

Ngunit, kung ito ay magiging epektibo, ito ay ipapanukala pa sa Kamara upang maisabatas.

(BASAHIN: E-money transfer posibleng magamit ng pulitiko para sa vote buying — COMELEC at PNP)

SMNI NEWS