INIHAYAG ni Commission on Elections (COMELEC) chairman Atty. George Garcia na maaaring gamitin ang naibalik nilang pondo para sa People’s Initiative (PI).
P13-B ang naibalik na pondo sa COMELEC pagkatapos ng bicam ng Kongreso kung saan ito ay para sa mga paghahanda sa anumang eleksiyon o plebisito at referendum.
Pero giit ni Garcia na dapat bukal sa kalooban ng mga Pilipino ang Charter Change (Cha-Cha) o pagbabago sa Saligang Batas.
“Wala pong bilihan ng boto, nang pamimili ng mga sini-signature. Kinakailangan bukal po sa dibdib at kalooban ng mga mamamayan na kaya sila pumipirma, naiintindihan nila ang pinirmahan nila at same time gusto talaga nila,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Dapat din aniya naayon sa batas ang pagdaraos ng PI.
“Sakali pong nakarating sa amin ‘yan, ayusin po ninyo. Hindi po ‘yung COMELEC ang nasisisi. Ang ibig sabihin na ayusin, i-comply niyo po ‘yung ang aming COMELEC Resolution 10560 at the same time ‘yung Republic Act. Ang batas in-affirm ng Supreme Court doon sa Lambino Vs. COMELEC na puwedeng mag ammend ng Constitution through people’s initiative,” dagdag ni Garcia.
Mga ahensiya ng gobyerno, tumangging nagagamit ang kanilang programa sa pagsusulong ng Cha-Cha
Samantala, kaniya-kaniya namang tanggi ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na nagagamit ang kanilang programa para sa Cha-Cha.
Sa pahayag ng Department of Health (DOH), sinabi nitong ang konsiderasyon para sa pamamahagi nila ng tulong-medikal para sa mga mahihirap na pasyente ay ang kanilang kalagayan na sinusuri ng isang lisensiyadong social worker sa isang ospital o health facility.
“Ang tanging konsiderasyon ng DOH para sa pamamahagi ng tulong medikal para sa mga indigent at financially incapacitated na mga pasyente ay ang kanilang kalagayan na sinusuri ng isang lisensyadong social worker sa isang ospital o health facility,” ayon sa DOH.
Tiniyak din ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na ang patuloy nilang pamimigay ng ayuda ay naaayon sa kasalukuyang rules and guidelines ng ahensiya.
Aniya laging nakahanda ang kanilang mga social worker sa mga nangangailangan ng tulong.
“As the government’s frontline social protection agency, the Department of Social Welfare and Development continues to provide all kinds of assistance to the poor and vulnerable within the bounds set by existing rules and guidelines. Rain or shine, our hard working social workers are always ready to render assistance to those in need. The only consideration for the distribution of aid for the indigent and those in crisis situation is their current circumstance as assessed by our social workers in the DSWD Central Office, Satellite Offices and the various field offices,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.
Habang nagpahayag naman ng pagkadismaya si Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Beinvenido Laguesma na naidadawit ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program sa alegasyon.
“Nakakalungkot at nakakagalit na rin na may ganyan klaseng lumalabas na alegasyon o usap-usap kasi ang TUPAD Program po ay mayroon siyang alituntunin o guidelines na dapat masundan bago pa ang availment. Hindi po kasama ang ika nga na hihingi ng kondisyon na may pipirmahan kapalit ng availment,” ayon kay Sec. Beinvenido Laguesma, DOLE.