BAWAL na bawal sa kampanya ang pag-aalok ng kung anu-anong bagay na may halaga.
Ayon sa COMELEC, maituturing itong vote-buying.
Kaya ang kandidato na si Abraham Kahlil Mitra ng Ikatlong Distrito ng Palawan, pinadalhan ng Committee on Kontra Bigay ng Comelec ng show cause order. Ito’y matapos niyan mag-aalok ng libreng ticket para sa isang pelikula na makikitang nakapost sa kaniyang official Facebook account noong April 2.
Makikita rin daw sa magkaparehong Facebook page, na naroroon ang kandidato sa block screening ng pelikula sa isang mall sa Puerto Princesa kasama ang kaniyang mga supporter.
May tatlong araw si Mitra para magpadala ng paliwanag sa komite kung bakit hindi siya dapat sampahan ng diskwalipikasyon o election offense.
Dahil sa cancer remark na ‘yan ni Nueva Ecija gubernatorial candidate Virgilio Bote laban sa isang tao, kailangan din niya ngayon magpaliwanag sa COMELEC.
‘Yan daw kasi ay posibleng paglabag sa Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines ng poll body at maaari siyang madiskwalipika at mapatawan ng election offense.
Mayroon siyang tatlong araw para magpadala ng paliwanag sa oras na matanggap nito ang order.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, ang cancer ay hindi ginagawang joke at bawal na bawal ‘yan sa kampanya.
‘’May cancer na ang tao, kung totoong may cancer. Kailangan pa ba natin na idegrade ang tao sa pamamagitan ng entablado sa isang kampanya. That is a no-no in campaigning. That’s common sense. Kinakailangan pang ilegislate pa o ilagay sa guidelines,’’ ayon kay Atty. George Garcia.
Samantala, isa ring kandidato sa bahagi ng Cavite ang pinadalhan din ng show cause order ng COMELEC.
Kailangan ding ngayong magpaliwanag ni Atty. Alston Kevin Anarna, na tumatakbong alkalde sa Silang, Cavite, pagkatapos ng kaniyang mga biro sa isang lola at solo parents sa isang campaign activity noong March 29, 2025.
Gaya ng ibang kandidato na naunang inisyuhan ng show cause, meron lang din itong tatlong araw para magpadala ng paliwanag sa poll body.