COMELEC sa mga nagpoprotesta sa resulta ng halalan: ‘Walang dayaang naganap!’

COMELEC sa mga nagpoprotesta sa resulta ng halalan: ‘Walang dayaang naganap!’

SA kabila ng namumuong protesta kaugnay sa resulta ng halalan, sagot ng  Commission on Elections (COMELEC) sa kanila ay “walang dayaang naganap!”

Tanghaling tapat ay naglabasan ang mga picket rally sa paligid ng CCP Complex, sigaw ng iba’t ibang grupo “may dayaan sa halalan.

Ito ang nais iparinig ng militanteng grupong Gabriela at Anakpawis sa COMELEC na kasalukuyang nasa PICC para sa patuloy na canvassing ng mga boto sa katatapos lang na botohan noong Mayo 9.

Paliwanag ni Acting COMELEC Spokesman Atty. Rex Laudiangco, ginagawa ng COMELEC ang kanilang tungkulin na naaayon sa mga patakaran at ng Saligang Batas.

Pinaalahanan din ng tagapagsalita ang mga nagpoprotesta na bukod sa COMELEC ay pakinggan din ang sinasabi ng iba pang grupo na totoong nagbabantay sa halalan.

“Bilang mamamayan, hayaan nyo po akong magsalita, hindi lang ang salita ng COMELEC ang pakinggan niyo lamang. Nagsalita din po ang number watchdog namin, ang PPCRV. Remember hindi lang po sila nagba-base sa transmitted ERs. Napakaganda ng procedure nila. Kinuha nila yung na receive na ERs, ini-encode nila at tsinecheck kung tama at pareho dun sa result sa transparency server,” ayon kay Laudiangco.

Bukod sa PPCRV, sinabi rin ni Atty. Laudiangco na sana ay pakinggan ng mga kumukwestiyon sa election results ang sagot ng UP School of Statistics at OCTA Research sa nagtrending na “68:32 ratio” analysis.

Ayon sa OCTA Research at UP School of Statistics, ang “68:32 ratio” analysis ay hindi ebidensya sa anumang iregularidad sa pagbibilang ng boto.

Ipinaliwanag din ng tagapagsalita kung bakit mabilis ang transmission ng boto mula sa mga vote counting machines kahit mabagal ang internet sa Pilipinas.

“Hindi naman kailangan ng large bandwidths para sa transmission eh. It’s actually burst transmission eh. Yung pag send natin ng ERs comparable siya sa pag-send ng text messages. Maliit lang po sya na file data. So, it’s not impossible given the current infrastructure natin,” paliwanag ni Laudiangco.

Matatandaan na nahirapang tanggapin ng mga supporters ni VP Leni Robredo ang unofficial results ng halalan kung saan sobra sa kalahating porsiyento ang lamang sa kanya ni Bongbong Marcos.

Follow SMNI News on Twitter