SUSURIIN muna ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga akusasyon laban sa South Korean firm na Miru Systems Company Limited, ang nag-iisang bidder para sa pagbili ng bagong automated election system para sa eleksiyon sa 2025.
Ayon kay COMELEC chairman George Garcia, kahit na nag-iisang bidder lang ang Miru ay hindi awtomatikong ibibigay rito ang award sa proyekto.
Kailangang sumailalim pa ang Miru ng post-qualification evaluation para matiyak kung totoo ang mga dokumentong isinumite ng kompanya.
Lalo na ngayong may kumakalat na alegasyon laban dito sa social media.
Binigyang-diin naman ni Garcia na kung sakali mang mapatunayang nagsisinungaling ang Miru ay agad na diskwalipikado ito at magdedeklara na ang ahensiya ng failure of bidding.
At kapag may failure of bidding, mapipilitan ang COMELEC na pumili ng mga bidder na hindi nakakumpleto ng kanilang mga isinumiteng dokumento pero kwalipikado naman na makapagbigay ng maayos na serbisyo.
Matatandaan na ang inihayag ng isang grupo na ang Miru ay sangkot sa kuwestiyunableng resulta ng halalan sa bansang Iraq at Democratic Republic of Congo.