TINIYAK ng Commission on Elections (COMELEC) na walang masasayang na balota kung sakaling ipagpapaliban muli ang halalan ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ngayong Disyembre.
Ani COMELEC Chairman George Garcia, walang dapat ipangamba dahil ang mga naiprocure na mga gamit tulad ng ballpen at balota ay maaring magamit sa susunod na halalan.
Una nang nilahad ni Garcia na sisimulan na nilang mag-imprenta ng balota para sa darating na barangay at SK elections ngayong Disyembre.
Ito ay para bigyan pa ng panahon ang ahensya na maberipika ang mga balotang gagamitin sa halalan.
Sa kasalukuyan, tatlong panukala na sa Kongreso ang naihain upang ipagpaliban sa ibang petsa ang halalan, ito ay sa May 2023, December 2023 at May 2024.