TULUYAN nang idineklarang nuisance candidate o pampagulo lang sa halalan ang 117 na senatorial aspirants na hindi kasama sa naunang listahan ng Commission on Elections (COMELEC) bilang lehitimong kandidato sa 2025 midterm elections.
Sa naunang listahan ng komisyon, 66 lang ang pasok bilang lehitimong kandidato mula sa 183 na naghain ng kandidatutra sa pagka-senador kasama na rito ang KOJC Spiritual Leader na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ang 117 na natitira, pinadedeklarang nuisance candidates o pampagulo lang ng COMELEC Law Department na kinatigan naman ng dalawang dibisyon ng komisyon batay sa anunsiyo ni COMELEC Chairman Atty. George Garcia.
“117 na ang na-resolved namin. Gaya ng ipinangako namin bago matapos ang November 17 sa national position ire-resolve namin ang lahat ng nuisance candidates pati sa national. Ngayon po ay sinisimulan na namin ang local and hopefully sana bago matapos ang Nobyembre matapos namin ‘yong mga local nuisance cases,” saad ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Ang 117 na ito, maaari pang umapela sa COMELEC en banc para mabaliktad pa ang desisyon ng mga dibisyon.
Ayon kay Garcia, mayroon nang 6 na naghain ng apela.
Sakali’t hindi pa rin sila makalusot sa COMELEC En banc, ang kanilang huling remedyo ay ang pagpunta sa Korte Suprema.
“Asahan niyo na hanggang sa susunod na linggo ay ire-resolve namin ‘yong mga motions for reconsiderations,” ani Garcia.
COMELEC, hindi palalawagin ang deadline para sa social media registration ng mga tatakbo sa 2025 elections
Samantala, inihayag naman ng COMELEC na hindi nila palalawagin pa ang deadline para sa pagpaparehistro ng mga social media accounts at social media pages na gagamitin ng mga aspirante sa pangangampanya.
Sa resolusyon ng komisyon, hanggang hanggang Disyembre 13 lang ang registration.
Paggamit ng mga kandidato ng AI at deepfakes sa socia media para sa pangangampanya dapat ipaalam sa komisyon—COMELEC Chief
Kasama sa mga dapat nilang maipaalam sa komisyon ay kung gagamit sila ng artificial intelligence sa pangangampanya.
“Wala kaming extension na igagawad. So again kung ayaw niyong matanggal ang mga post ninyo o ayaw niyong ma-delete halimbawa ng mga platforms, kailangang iparehistro.”
“Kapag lumabas na… Later on bilang kandidato sa social media, kinakailangan sabihin nila na gumamit sila ng artificial intelligence. Gumamit sila ng deepfakes, dahil kung hindi ipapa-take down ‘yang mga post na ‘yan,” aniya pa.
Muli namang nagpaalala ang COMELEC Chief na sa kanilang binagong patakaran, hindi na kailangan ng mga pribadong indibidwal na magparehistro ng kanilang mga social media pages o accounts para makapagpahayag ng suporta sa mga tatakbo sa halalan.
Ang regulasyong ito ng COMELEC ay para na lamang sa mga kandidato, political party at kanilang mga authorized representative.