NAGSUMITE na ng courtesy resignation ang Command Group ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. kasunod ng panawagan sa kanila ni Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. dahil sa isyu ng iligal na droga sa pulisya.
Ito ang inihayag ni Azurin sa pulong balitaan sa Camp Crame ngayong Huwebes, Enero 5.
Kabilang sa mga nagsumite ng courtesy resignation sina Police Lieutenant General Rhodel Sermonia, PNP deputy chief for administration; Police Lieutenant General Benjamin Santos, PNP deputy chief for operations; at Police Lieutenant General Michael John Dubria, chief directorial staff.
Ayon kay Azurin, suportado niya ang panawagan ni Secretary Abalos upang malinis sa kanilang hanay mula sa iligal na gawain.
Nilinaw rin ng Chief PNP na ang pagbibitiw ng mga opisyal ay mula sa serbisyo at hindi lamang sa posisyon na kanilang hinahawakan.
Samantala, umaasa si Azurin na ang 5-man committee na sasala sa mga opisyal ay magiging ‘objective, impartial, judicial, at fair.