Commercial flights sa Baguio at Borongan, Eastern Samar muling bubuksan ngayong Disyembre –CAAP

Commercial flights sa Baguio at Borongan, Eastern Samar muling bubuksan ngayong Disyembre –CAAP

INANUNSYO ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na muling bubuksan na para sa commercial flights ang Loakan Airport sa Baguio City at Borongan Airport sa Easter Samar.

Handa na ang operasyon ng paliparan sa Loakan Airport sa Baguio City, Benguet sa Disyembre 16.

Kung saan ang maiden flight ng Philippine Airlines (PAL) mula Cebu patungong Baguio o vice versa ay bubuksan na.

Sa panayam ng SMNI News kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, sinabi nito na ang muling pagbubukas ng paliparan ay inaasahang magpapalakas sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapataas ng turismo sa “Summer Capital of the Philippines” sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming opsyon sa transportasyon para sa mga residente at bisita.

Samantala, matapos sumailalim sa renovation at upgrades nitong mga nakaraang taon ang Borongan Airport na matatagpuan sa Eastern Samar Province ay magbubukas na rin ito ng commercial flight.

Ang paliparan ay may kakayahan nang humawak ng turboprop at maliit na jet aircraft, na nagbibigay-daan para sa mga direktang flight mula Manila papuntang Borongan.

Ang ruta ng PAL Manila-Cebu-Borongan o vice versa ay magkakaroon ng unang flight sa Lunes, Disyembre 19, 2022.

Ang mga flight ay tuwing Lunes at Biyernes.

“May surfing area diyan na ang mga foreigner gusto ring pumunta riyan ang problema walang direct flights kaya konti lang ang mga turistang pumupunta but itong opening na ito ini-expect ng LGU na lalakas ang ridership ng ating mga local  at foreign tourist,” pahayag ni Eric Apolonio, spokesperson, CAAP.

Umaasa rin ang CAAP na kung maganda ang pagdagsa ng mga pasahero sa dalawang paliparan ay maglalagay rin ang ibang local air carrier ng kanilang flights.

“Kung lalakas talaga ang ridership ng mga ruta na yan, definitely yung ibang mga airlines ay maenganyo din magbukas at mag operate. Welcome naman sila doon sa mga airport namin dahil ready naman yun at full operations,” saad pa ni Apolonio.

Follow SMNI NEWS in Twitter