Committee on Intelligence and Confidential Funds, binuo ng Senado

Committee on Intelligence and Confidential Funds, binuo ng Senado

BANTAY-sarado na ngayon ng Senado ang lahat ng budget request ng pamahalaan kaugnay sa Intelligence and Confidential Funds sa pamamagitan ng isang Select Oversight Committee.

Araw ng Miyerkules ay inilahad ni Senate President Juan Miguel Zubiri na muling binuhay ng Senado ang isang Select Oversight Committee na tututok sa kontrobersiyal na intelligence and confidential funds ng gobyerno.

Ang confidential at intelligence funds ay madalas na ginagamit ng gobyerno para sa mga aktibidad na may kinalaman sa national defense.

Sa nagdaang araw ng Lunes ay agaw-pansin ang isa at kalahating oras na pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.

Kahit matagal kumpara sa nakasanayan ang haba ang pagdinig ay tila nakulangan pa ang ilang senador sa sagot ni Bise Presidente Sara Duterte kaugnay sa kanilang hinihiling na P150-M pondo para sa confidential and intelligence funds.

Ayon kay Zubiri, sa pamamagitan ng binuong komite ay masisiguro ang tamang paggasta ng intelligence and confidential funds.

”Rules are crafted specifically to deal with the confidential nature of the intelligence and confidential funds. But we assure everyone that the majority and the minority are working hand in hand to ensure that these funds have been put to proper use,” saad ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senate President.

Dagdag din ni Zubiri na ang nasabing komite ang magiging gabay kung kailangan bang tanggalan, bawasan, ‘wag bigyan, o dagdagan ang mga ahensiya ng gobyerno na humihiling ng nasabing pondo.

Ani Zubiri babalikan din ng komite ang performance ng mga ahensiya kung paano nila ginamit ang kanilang pondo sa mga nakaraang taon.

Rerepasuhin din aniya nila ang Joint Memorandum Circular (JMC) na nilabas ng Commission on Audit (COA) na siyang nagsisilbing panuntunan para sa confidential at intelligence funds.

Ang nasabing JMC ay nilabas ng COA halos 10 taon nang nakalilipas.

“They are using a COA JMC, it’s a memorandum circular that they are quoting. It was adopted almost a decade ago which allowed agencies, including the COA to have intelligence funds. We are also looking on reviewing that… to that effect,” dagdag ni Zubiri.

Paliwanag naman ni Zubiri na mahigpit sa rules ang nasabing komite dahil sa confidential na nature ng mga datos.

Sa katunayan, lahat ng kanilang mga gagawing pagpupulong ay magiging executive session kung saan hindi ito bukas sa media o sa publiko.

Ang kanilang mga bibitawang salita o impormasyon sa media kaugnay sa kanilang mga pagpupulong ay limitado rin.

“We discussed the rules that would be adopted by the committee and after discussions and revisions all members agreed to adopt them. Under our rules, all meetings of the committee will be held in executive session,” ayon pa kay Zubiri.

Bukod kay SP Zubiri na uupo bilang chairperson ng komite, kabilang naman sa miyembro nito sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Bato dela Rosa, Senate Minority Leader Koko Pimentel, at Budget Committee Chairman Sonny Angara.

Ngayong araw ay nagkaroon lamang ng organizational meeting ang nasabing komite.

Sa mga susunod na araw ay asahan na kanilang ipatatawag ang mga ahensiya na nanghihingi ng confidential at intelligence funds upang magpaliwanag.

 

Follow SMNI News on Rumble