Community transmission ng UK variant sa bansa, hindi pa nangyayari

MULING nanindigan ang Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang community transmission ng mas nakakahawang (United Kingdom) UK variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon sa DOH, wala pang matibay na ebidensya na magpapatotoo patungkol dito.

“We do not have strong evidence yet to conclude that there is community transmission,” pahayag ng DOH  kaugnay sa UK variant COVID-19.

Masyadong maaaga rin anila kung sasabihing may community transmission.

Giit ng DOH hintayin na lamang ang kalalabasan ng imbestigasyon  ng mga eksperto.

Pagtitiyak naman ng kagawaran na patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga local government unit (LGU) lalo na sa Cordillera Administrative Region o CAR upang matugunan ang sitwasyon.

“We continue to closely coordinate with the LGUs [local government units] of car [Cordillera Administrative Region] in addressing the situation,” ayon sa ahensiya.

Nasa 70% transmissible o higit na mas mabilis na makahawa ang B117 variant ng COVID-19, ngunit ayon sa mga eskperto walang pang ebidensya na mas malubha ang dala nitong sakit.

Pareho lang din ang mode of transmission nito sa tao sa pamamagitan ng laway.

Sa kasalukuyan, dalawampu’t lima na ang kabuuang bilang ng B117 variant sa bansa.

Ito ay matapos makapagtala ng karagdagang walong bagong kaso ang Bontoc, Mountain Province.

Samantala, dalawapu’t dalawa sa 25 na mga pasyente ng UK variant ang naka-rekober na sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sa kabila nito, dalawa sa mga ito ang aktibo pang kaso, at isa ang nasawi.

Ang nasawi ay isang 84-year-old na lalaki mula sa La Trinidad, Benguet na walang travel history at walang contact sa COVID-19 patient.

Sa ngayon, tinitingnan pa ng DOH, kung ano ang dahilan kung bakit ito nahawaan.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.