SINAKSIHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglagda sa concession agreement para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Public-Private Partnership (PPP) Project sa Kalayaan Hall sa Malacañang Palace nitong Marso 18, 2024.
Ang kasunduan, na nilagdaan nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines at San Miguel Corporation (SMC) President at Chief Executive Officer (CEO) Ramon Ang, ay hudyat ng pagsisimula ng modernisasyon ng pangunahing gateway ng bansa.
Sa kabuuang halaga ng proyektong P170.6-B, ang NAIA PPP Project ay sumasaklaw sa lahat ng pasilidad ng paliparan tulad ng mga runway, terminal, at iba pang pasilidad.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang pangkalahatang karanasan ng pasahero at kalidad ng serbisyo sa NAIA.
Ayon sa DOTr, kapag natapos na ang NAIA modernization, tataas ang runway capacity nito ng hindi bababa sa 48 air traffic movements sa peak hourly rate.
Inaasahang makapagsisilbi rin ang nasabing paliparan ng 62 milyong pasahero taon-taon.
Higit pa rito, ang proyekto ay inaasahang lilikha ng P900-B na kita para sa pambansang pamahalaan o humigit-kumulang P36-B taon-taon sa buong 25-year concession period.
Papayagan nito ang gobyerno na i-redirect ang mga kita nito sa iba pang mga proyektong panlipunan at imprastraktura.