NANAWAGAN ng proteksiyon si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. matapos tambangan patay ang karibal nito sa politika na si Gov. Roel Degamo.
Hiling ni Teves na ibalik na ang lisensiya ng kanyang mga baril para sa proteksiyon nito at ng kanyang pamilya.
Nanawagan din ito ng tulong sa Punong Ehekutibo para maresolba ang mga krimen sa kanilang probinsiya at buong bansa.
‘’Nananawagan ako sa ating mahal na Presidente kailangan ko po ng proteksiyon ng aking buhay. Kailangan namin ng kapayapaan sa aming probinsiya at kailangan naming ng tulong para masolba ang lahat ng krimen sa buong bansa,’’ ani Teves.
Kamakailan, binawi ng Philippine National Police ang fire arm license ni Teves matapos matuklasan na peke ang mga isinumite niyang dokumento para makapag-apply nito.
Boluntaryo namang isinuko ni Teves ang 12 nitong baril sabay giit na marami pa itong isusukong armas sa mga awtoridad.