Cong. Benny Abante, nilinaw na kalaban nito ang CTGs

Cong. Benny Abante, nilinaw na kalaban nito ang CTGs

NILINAW ni Manila 6th District Rep. Benny Abante na hindi siya kakampi ng CPP-NPA-NDF.

Ito’y matapos kwestyunin ng butihing Pastor na si Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ ang katapatan ni Abante sa bayan.

Nakarating kasi kay Pastor Apollo na umano’y kinikilingan ng kongresista ang mga kalaban ng pamahalaan.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News, iginiit nito na hindi totoo ang impormasyong kumalat.

“1986 kalaban na ko ng NPA. 1986 ay lumalaban na tayo sa NPA sa pamamagitan ng tinatawag natin na common ideology. Ako sinabi ko na sa kanila 1986 pa, kung talagang maganda ang gobyerno ninyo, lay down your arm, makipag-usap, tayo’y mag-usap tayo sa harap ng taumbayan ng magandang pag-uusap,” pahayag ni Rep. Benny Abante, 6th District, Manila.

Bukod sa pagiging mambabatas, isa ring alagad ng simbahan si Bishop Benny Abante.

Kaya hinding-hindi raw nito susuportahan ang CPP-NPA-NDF.

“Hindi ako sumasang-ayon sa anumang organisasyon na hindi naniniwala sa Diyos. Ako’y Bishop no? At ako’y hindi sumasang-ayon sa ideolohiya, organisasyon na hindi naniniwala sa Diyos,” aniya.

Tinawag naman ni Abante ang CPP-NPA-NDF bilang mga teroristang organisasyon.

At handa raw nitong kondenahin sa isang privilege speech sa Kamara ang mga ito.

Lalo na ang marahas na 1989 Rano Massacre sa Digos Davao del Sur kung saan 38 miyembro ng IP community ang walang awang pinatay ng NPA.

Abante, handang mag-privilege speech sa Kamara para kundenahin ang CPP-NPA-NDF at Rano Massacre

 “‘Yung massacre na ‘yan, massacre yan hindi ayon sa batas yan. Hindi ayon sa batas ng Diyos yan. Eh dapat talagang yan hindi lamang ikondena at hulihin na lahat ng ano diyan. Yan ay ikulong na at kung kinakailangan eh atin nang i-approve ang death penalty,” dagdag ni Abante.

Bilang chairman ng House Committee on Human Rights, pabor si Abante sa pagpasa sa Human Rights Defenders Bill-ang panukala na para sa mga dating kadre ay pabor sa kilusan.

Tutol naman ito sa red-tagging.

Magkagayunman ay may mensahe ito kay Pastor Apollo.

Lalo na’t lumabas ito sa SMNI para linawin ang kaniyang panig dahil magkaibigan sila ng butihing Pastor.

“Ay ang aming mensahe lamang po kay Pastor Quiboloy eh sana po ay kinausap niya ako nang personal, magkaibigan naman kami. Sana ay talagang tinawagan niya ‘ko, nag-usap kami at kinausap niya ako personal. Ano bang palagay mo dito? Ikaw ay ina-accuse ng mga ito or whatever it is,” aniya.

“Ngayon kung kinakampihan ko ang NPA, sasabihin ko rin na kinakampihan ko ang NPA. Pero bakit ko kakampihan yan? Eh mga terorista yan. Mga mamamatay tao yang mga yan,” aniya pa.

Naunang nilinaw ni Pastor Apollo, na ito ay tutol sa lahat ng mga taga-pamahalaan na may pagkiling sa mga kalaban ng estado.

Kaya maituturing na traydor sa bayan ang mga ito.

Follow SMNI NEWS in Twitter