MATAPOS ang 9 na pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food (HCAF) hinggil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022, lumalabas na buhay na buhay ang onion cartel sa ating bansa.
“A careful scrutiny of numerous public documents including general information sheets, registries of the Bureau of Plant Industry (BPI) and the Department of Trade and Industry (DTI); the income statements submitted to the Security and Exchange Commission (SEC) and the committee, the inventory reports submitted to the committee led me to the conclusion na buhay na buhay ang onion cartel sa ating bansa,” ayon kay Rep. Stella Luz Quimbo.
Sa press briefing nitong Huwebes, Mayo 18, tinanggalan na ng maskara ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, miyembro ng HCAF kung sino ang nasa likod ng pinakamalaking onion cartel sa Pilipinas.
Ang tinaguriang aniyang ‘reigning undisputed ‘sibuyas queen’ na si Leah Cruz ang sinasabing nagpapatakbo umano nito.
Leah Cruz nasa likod umano ng pinakamalaking onion cartel sa Pilipinas
“Leah Cruz operates the biggest onion cartel in the country,” ayon kay Rep. Quimbo.
Ipinunto pa ni Rep. Quimbo ang kaugnayan umano ng ilang kompanya sa Philippines (VIEVA) Vegetable Exporters and Vendors Association Philippines, Inc. isang korporasyon na pagmamay-ari ni Lilia o Leah Cruz.
“She does this through an SEC registered corporation called Philippine VIEVA Corporation, which was established in 2013. This was created at the time when she was first tagged as ‘sibuyas queen’ in a series of news reports in 2012. She is the effective majority owner of the company.”
“Ang PHilvieva ay isang fully vertically integrated corporation: Ibig sabihin, sakop nito ang halos lahat ng operations sa onion industry, mula farming (Leah Cruz), trading (Yom Trading, La Reina), cold storage (Tian Long), at trucking (Golden Shine). Ika nga, mula ulo hanggang paa, involved sila sa onion industry,” dagdag ni Quimbo.
Aniya dahil sa PhilVIEVA, kahit blacklisted na si Leah Cruz sa Departnment of Agriculture (DA) bilang importer, puwede pa rin siyang mag-import sa pamamagitan ng partner niya sa PhilVIEVA.
“Siya rin ay nag dedeposito sa partner niya na cold storage. Madali din magpalipat-lipat ng mga depositong sibuyas sa iba’t ibang storage dahil meron naman siyang trucking business, sa ilalim din ng PhilVIEVA. Fully equipped ang PhilVIEVA upang magsilbing pangunahing makinarya upang makontrol ang supply ng sibuyas sa Pilipinas.”
“Bukod sa PhilVIEVA, meron din silang ginagamit na Dummy Corporations.
Kasama rito ang mga onion importer na ‘Vegefru Producing Store and Rosal Fruit and Vegetable Trading’ na parehong pagmamay-ari pa rin ni Leah Cruz.”
“Base mismo sa public documents submitted by these corporations, natuklasan namin na ang registered telephone numbers ng mga corporations na ito ay identical sa phone numbers ng office ni Ms. Lea Cruz. Hindi raw sila magkakilala pero pareho sila ng telephone numbers? Ano sila, partyline?” ani Quimbo.
Inilatag din ni Quimbo kung paano ginagamit ang PhilVIEVA para pataasin ang presyo ng sibuyas.
“First they target the local farmers. Babaratin ang mga magsasaka sa farmgate sa dalawang paraan. Una, gagamitin na dahilan ang kakulangan ng cold storage dahil wala namang access sa cold storage ang mga magsasaka.” “Ibenta mo na sa amin yan sa P12 kada kilo kundi mabubulok lang yan. Wala ka naman cold storage na mapaglalagyan ng ani mo.”
“Walang mapilian ang maliit na magsasaka. Kaya’t puwersado siyang ibenta nang mura. Ang katotohanan: Hindi pala ubos ang cold storage space. Pero dahil ang cartel ang may-ari ng cold storage, kaya nilang sabihin na puno na pag nagtatanong ang magsasaka. O kung hindi man sila ang may-ari ng cold storage facility, bantay salakay na sila rito by pre-reserving the cold storage space sa iba pang malalaking cold storages elsewhere. Drama na naman na wala nang storage.”
“Second means of controlling supply, is to corner the importation of onions. Pag karamihan ng imports ay kanila, puwede rin nilang gamitin na bargaining leverage ito laban sa local supplier. Ang sasabihin nila.”
“Ibenta mo na sa akin ng P12 kada kilo, kasi landed cost ko, halimbawa mula China, ay P14 lamang. Kinalaunan, nakuha na nila ang karamihan ng imported, pati na rin ang local supply.”
“At dahil puno na ang network ng cold storage at meron din silang network ng retail outlets, gagamitin nila ang sariling mga truck para makapag deliver ng stocks kung kelan nila gusto, kung saan nila gusto magbenta, kung kaninong tindahan nila gustong magbenta, at ididikta ang presyo na gugustuhin nila,” aniya.
Ayon sa mambabatas, dapat maliit lamang ang projected shortage ng sibuyas noong 2022.
Sa datos aniya ng Philippine Statistics Authority (PSA) umaabot lamang sa 7% ang projected shortage.
Hindi aniya makatarungan ang pagtaas ng presyo nito ng higit 400% mula Hulyo hanggang Disyembre 2022.
Batay naman sa mga testimonya ng mga cold storage operators sa 9 na pagdinig, puno anila ang mga cold storage kaya walang dahilan para tumaas ng hanggang P700 per kilo ang presyo ng sibuyas.
“Clearly, artificial ang pagtaas ng presyo. Malinaw pa sa sikat ng araw na bunga ito ng sabwatan ng onion cartel,” ani Quimbo.
Sabwatan ng BPI at Leah Cruz kaugnay sa onion cartel, possible—Cong. Quimbo
Ibinunyag din ni Rep. Quimbo ang posibleng sabwatan ng BPI at ni Lea Cruz sa pagkakaroon ng isang onion cartel.
“Paano kino-korner ang imports? Hindi klaro ano ang naging kalakaran sa Bureau of Plant Industry na ini-issue ang import permit sa mga gustong mag import na kompanya dahil kelangan i-limita ang volume ng import. Dahil sa totoo lang, pwede naman i-limita ang imports sa pamamagitan ng taripa. Gayunpaman, ang SPSIC o yung tinatawag na import permit ay ini-issue ng DA sa mga piling importer. Sa totoo lang, tila kasama sa equation etong BPI sa pagkakaroon ng isang onion cartel.”
“Ang katanungan, papano napapayagan ng BPI na patuloy makapag import si Lea Cruz despite being blacklisted? May nagbubulag-bulagan ba o lantarang nakikipagsabwatan ang BPI sa pandaraya sa taong bayan?” aniya.
Mga panukalang batas vs onion cartel, inihahanda na
Kaugnay rito, maraming panukalang batas ang nais ng Komite na isusulong para tuluyang mabuwag ang onion cartel sa bansa.
Ilan sa mga panukalang ito ay ang pagbuo ng isang Competitiveness Enhancement Fund for Onion (CEFO) kung saan sa halip na gamitin ang sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) o yung tinatawag na import permit, taripa ang nakikita nilang epektibong paraan sa paglimita ng import volume.
Kabilang din sa panukala ang pag-institutionalize na isang regulatory framework na mag-accredit sa mga cold storage facilities.
Ito’y dahil marami sa mga pasilidad na ito ang nag-ooperate na walang accreditation.
At pangatlo ay ang pagbuo ng Registry of Traders dahil sa ngayon walang datos o listahan na available kung sinu-sino ang mga trader sa bansa.
Bukod dito, nais din ng komite na repasuhin ang price act at pataasin pa ang mga penalty sa mga lumalabag sa batas.
Sa huli, patuloy ang panawagan ng Komite sa NBI, Philippine Competition Commission (PCC), enforcement unit sa loob ng DA na pagtulungan balatan pa ang onion cartel sa bansa.
Sa ngayon, hindi pa tiyak ng HCAF kung itutuloy pa ba ang pagdinig o kung sapat na ba ang kanilang ebidensiya para tapusin ang kanilang imbestigasyon.
Magkakaroon muna ng executive session ang mga miyembro ng komite para isapinal ang kanilang magiging report.
Kabilang na nga sa gagawing commitee report ang mga posibleng kahaharapin ni Lea Cruz, ang tinaguriang ‘sibuyas queen’.