BINAWI na ng House Quad Committee ang ipinataw na Contempt and Detention Order laban kay dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Wilkins Villanueva.
Sa pagpapatuloy na pagdinig ng Quad Comm sa war on drugs ng dating administrasyon nitong Martes, Enero 21, 2025, nag-mosyon si Abang Lingkod Party-List Representative Stephen Paduano na bawiin ang Contempt and Detention Order laban kay Villanueva matapos itong maghain ng Motion for Reconsideration.
Punto ni Paduano, pinahahalagahan niya ang ginawa ni Villanueva at ang pangako nitong makikipagtulungan sa komite sa pagsagot sa mga tanong ng mga mambabatas.
Magugunita na pina-contempt ni Paduano si Villanueva dahil sa paulit-ulit nitong pagtanggi na wala umano siyang kinalaman sa warrantless arrest kay Jed Pilapil Sy, asawa ng isang suspected drug lord na si Allan Sy.
Personal namang isinuko ng dating PDEA chief ang kaniyang sarili sa Kamara noong Enero 13 para tumugon sa Contempt Order na tatagal sana hanggang matapos ang imbestigasyon ng Quad Comm.